Shaira, nabiktima ng baha
Ang daming lugar na binaha kahapon.
Kaya’t apektado ang ilang tapings na na-pack up at ang ibang events na kinansela.
Ang Kapuso actress na si Shaira Diaz ay napa-report sa radio program ni Arnold Clavio sa DZBB nang na-trap ito sa napakatagal na traffic sa Quezon City.
Ang kuwento ni Shaira, halos alas-otso ng umaga na raw siya na-pack up sa taping at nang pauwi na ito, napadaan naman siya sa ilang bahang lugar.
Mahigit dalawang oras siyang na-stuck sa traffic sa Quezon Avenue, paakyat lang ng Skyway.
Nag-pile up na ang mga sasakyan sa Araneta Avenue na lumubog sa baha, at umabot na raw ito sa Quezon Avenue.
Pati ang mga sasakyang paakyat ng Skyway ay hindi na rin nakakagalaw.
Nung nagri-report si Shaira kay Igan, kakasampa lang daw niya ng Skyway pagkatapos ng dalawang oras.
Pati ang ilang malls na pinasok namin ay hindi rin gaanong matao.
Nung pre-pandemic, kapag maulan at baha sa ilang lugar, nasa mall ang mga tao at nanonood ng sine.
Ngayon ay okay na sila sa bahay dahil nakakapanood naman sila sa TV o kaya ay sa streaming apps.
Kaya hindi pa rin talaga nakakabawi ang mga sinehan.
Ang daming nagbukas na mga pelikula nung Miyerkules, pero hindi ito ganun kalakas.
Nagpasalamat ang mga taga-Net25 dahil number one raw ang pelikula nilang Monday First Screening kung ikukumpara sa mga pelikulang nagbukas nung araw na ‘yun. Pero karamihan pala ay block screenings.
Talagang solid ang suporta ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo dahil sa Net25 na producer ng naturang pelikula.
Kasabay ring nag-showing nung Miyerkules ang pelikulang Swing nina RK Bagatsing at Jane Oineza na prinodyus ng Mavx Productions.
Wala pa kaming balita, pero mukhang hindi rin ito gaanong pumalo sa takilya.
Pero kumpiyansa naman ang fans ni Kathryn Bernardo na ang pelikula nitong A Very Good Girl ay makakabawi.
Pero base sa trailer nito, parang duda kami dahil ibang-iba sa mga nagawang pelikula ng box-office star.
RK at Jane, mas pabor sa live in!
Kampante ang magkasintahang RK at Jane sa mga sexy scene na ginawa nila sa pelikulang Swing.
Sinabi naman nilang kaya nila tinanggap ang naturang project dahil sila naman ang gaganap.
Nagbiro nga si RK na hindi na raw nila kailangang mag-workshop.
Kaya natanong namin sa kanila na sa isang relasyon ba kagaya ng sa kanila ay mahalaga talaga ang sex? Ani Jane, “Depende naman e. Kaya ang importante is communication kasi kung ano ‘yung gusto mo from the partner. Kasi kanya-kanya. Yes, sa iba, ‘yun ‘yung top priority nila.
“So, kailangan napag-usapan ‘yun o nao-open up n’yo sa isa’t-isa.
“Sa akin, ang goals ko ito. In five years, ito ang gusto kong mangyari. In 10 years, ganito ganyan.”
Nagbigay naman ng opinyon si RK, “In any relationship, iba’t-ibang ingredients, iba’t-ibang percentage. Hindi naman love love lang. Hindi naman sex sex lang...”
Sumingit si Jane ng, “Kung ano ‘yung nagwu-work sa isang couple, might not work for another couple.”
Na dinagdagan ni RK ng, “Iba-iba talaga siya e. The thing that you can do is really communicate with your partner and be honest na ito ang kailangan ko, mabibigay mo ba?”
Seryoso na sila sa kanilang relasyon at bukas nga sila sa ideya ng live in, pero napapag-usapan na ba ang kasal?
“Right now, we’re maximizing the opportunity we’re having – proud ako sa mga accomplishments and opportunities that are coming,” pakli ni Jane.
Sabi naman ni RK, “Alam kasi namin ‘yung journey sa isa’t-isa. Sobrang pinagdasal namin at pinagtrabahuhan namin. Right now Jane has so many shows. So parang nasa backseat lang muna ang usapan na ‘yun.”
- Latest