Napuri si Jerald Napoles na hindi na hindi pinagbayad ang driver ng truck na bumangga sa kanyang sasakyan noong Biyernes ng gabi.
Sa totoo lang, malaki ang damage sa kanyang sasakyan na ipinakita niya sa kanyang Facebook page.
Pero pinatawad niya ang driver.
“Ako na nag adjust. A problem won’t be solved by another problem,” sabi niya.
“Katatapos ko lang manuod ng Gilas Pilipinas vs Dominican Republic sa FIBA World Cup opening. Masaya ang experience kahit hindi tayo nanalo sa game.
“Pauwi na ako sa amin nang biglang na aksidente pa at nasuyod / bangga ng truck. Umangat bumper ko, basically nauuna na ako pero ipinasok pa niya sa lane ang truck kaya pa-angat ang wasak ng bumper ko. hindi na ako naka andar kasi tuloy tuloy ang truck. Halos patawid na siya na parang walang tinamaan,” paglalahad ni Jerald.
“May kasama siya sa passenger seat niya sa side ko na parang dedma lang. Hinarang ko ang truck para kausapin sa nangyari kasi parang uunahan na niya ako.
“Pinababa ko si kuya at eto nasa video ang usapan namin,” patuloy niya.
Maririnig nga na sinabi ni Jerald sa driver na tiyak na ibabawas pa sa sahod ng driver ang bayad kung sisingilin niya pa ito.
Kaya pinatawad na lang niya ito.
“Sa madaling salita, alam ko naman na ang tanging solusyon sa bangga ay ipaayos.. kung irereklamo ko naman at ipipilit ko ang kakayanan at pagbayarin si kuya driver siguradong ikakaltas pa sa sahod niya ’to.. imbes na solusyon, dagdag problema pa ang mangyayari… magiging komplikado pa sa pag aayos at paghahabol para mapanagutan niya..
“Bilang ako ang mas may kakayanang pinansyal, hindi ko na kinumplika.. pinagsabihan ko na lang siya na sa susunod ay mag iingat. dahil pareho kame mapalad na ganito lang ang nangyari. Gaya ng sinabi ko sa video..kadalasan hindi gaya ko na palalampasin lang ang ganitong aksidente ang makakasalamuha niya.
“Kuya Ranzy mag ingat at sana ito na ang huli mong disgrasya. pagpalain ka nawa at ang iyong pamilya. Magsilbing aral ito sayo at sa akin na rin. Laging panaigin ang tamang katwiran pero nang hindi makaka argabyado nang kapwa. Malaki ang bangga pero lamang ang kasiyahan sa buong araw. Dun na lang ako mag fofocus. Sana masarap pa rin ang gising at ulam ng pamilya mo bukas kuya Ranzy.”
Dahil dun umapaw ang mga papuri kay Jerald sa social media.
Kabilang nga si Jerald sa more than 38,000 na nanonood sa Philippine Arena noong Biyernes ng gabi sa laban sa Gilas Pilipinas at Dominican Republic.
Hindi pinalad ang ating mga pambato.