Patuloy pa rin naming sinusubaybayan ang kaso ng It’s Showtime at E.A.T. sa MTRCB na pinagtatalunan pa rin daw ng nasa board ng naturang ahensya.
As of presstime ay inaabangan pa rin namin ang ilalabas nilang pahayag kaugnay sa kaso ng dalawang noontime show.
Samantala, ngayong araw dapat ang kasunod na hearing na kung saan ay isasalang as witness ang dating Executive Vice President for Production ng TAPE, Inc. na si Jeny Ferre.
Pero dahil sa FIBA Basbetball World Match, ini-reset ito ng Marikina Regional Trial Court sa Aug. 31.
Patuloy pa rin itong copyright infringement na kasong isinampa nina Tito, Vic and Joey laban sa TAPE, Inc. at GMA 7.
Ipinapakansela nila ang trademark approval sa Bureau of Legal Affairs ng IPOPHIL.
Naglabas naman ng statement ang legal counsel na si Atty. Maggie Abraham-Garduque kaugnay sa confirmation ng IPOPHIL sa renewal ng trademark ng Eat Bulaga ng sampung taon. Kaya nilinaw ito ni Atty. Maggie na patuloy pa ring ginagamit ng TAPE ang Eat Bulaga.
Aniya, “From the start, ‘yan naman talaga ang stand ng TAPE. That TAPE is the prior registrant and the one in actual ang continuous use of the trademark Eat Bulaga.
“Hence, under section 123, part of RA 8293 or the Intellectual Property Code, no one should be applied use or register it other than TAPE, Inc.”
Pinagtatalunan pa ito sa korte, at patuloy namang nagbibigay saya ang mga nabanggit na noontime shows.
Tuluy-tuloy ang patutsada ni Joey de Leon sa mga taga-Eat Bulaga, at nagbabakbakan pa rin sa ratings.
Ang E.A.T. pa rin ang nangunguna sa ratings, sumusunod ang Eat Bulaga at ang It’s Showtime.
Jodi, lutang ang kahusayan
Napapalakpak kami sa The Wedding episode ng Unbreak My Heart na collaboration ng GMA 7, ABS-CBN at Dreamscape Entertainment.
Ito bale ang last episode ng book one at sa susunod na linggo ay papasok na ito sa book two.
Matindi ang eksena sa wedding scene nina Alexandra (Gabbi Garcia) at Renz (Joshua Garcia).
Dito sa tagpong ito inihayag ni Alex na may relasyon ang lalaking pakakasalan niya sa kanyang inang si Rose (Jodi Sta. Maria).
Ang intense ng eksenang ito na ang gagaling nilang lahat. Pero si Jodi Sta. Maria ang lutang na lutang sa eksena.
Napakagaling niya na kitang-kita sa mukha ng pagkapahiya at hindi alam kung paano niya ito maipaliwanag sa kanyang anak na si Alex.
Sabi nga ni Richard Yap sa interview sa kanya ng 24 Oras, mas marami pang aabangang matitinding kaganapan sa kuwento nitong drama series.
Bahagi rin sa seryeng ito si Romnick Sarmenta na gumaganap bilang ama ni Joshua Garcia.
Magaling din siya rito na bumabagay kay Eula Valdez na nanay naman dito ni Joshua.
Pero magkaibang-magkaiba ang karakter nilang mag-asawa rito.
Gusto talaga naming magkaiba ‘yung karakter namin para hindi masyadong may balitaktakan,” napapangiting pahayag ni Romnick nang nakatsikahan namin sa DZRH nung nakaraang linggo.