Romnick, bilib sa utak ni Bela!

Mahalaga ang role na ginagampanan ni Romnick Sarmenta sa pelikulang Wish You Were the One ng Viva Films na magsu-showing na sa Aug. 23.
Pero special participation ito dahil sina Bela Padilla at JC Santos ang talagang bida sa pelikulang ito.
Tinanggap daw niya dahil isa sa mga rason ay gusto raw niyang makatrabaho si Bela, at makasama uli si JC na nakasama raw niya noon sa ilang stageplays sa UP.
“Gusto ko makatrabaho si Bela. Niyaya ako ni Barbara na panoorin ‘yung pelikula niya one time sa Netflix. Tapos napanood ko, sabi ko, ‘nakakatuwa tong batang ‘to kasi nadidinig ko na siya ‘yung nagpu-produce, minsan siya rin ang nagdidirek, nagsusulat ng mga ginagawa niya.
“Parang may aligi ‘yung utak, ang taba ng utak. Ang sarap siguro kausapin or kilalanin para makita kung ano ang proseso rin niyan. Tapos, hindi naman ako nagkamali, napakagaan ng trabaho,” pahayag ni Romnick nang nakapanayam namin sa DZRH nung Biyernes, Aug. 18.
Pero ang lakas ng dating ng pamagat ng pelikula na ang sabi nga ni Romnick, ‘mapanakit’.
Kaya diniretso na namin ng tanong kung kanino at ilang beses niyang nasabi sa isang babaeng minahal niya ang linyang “wish you were the one.”
Napangiti si Romnick, kasi nasabi raw niya sa motorsiklo na gusto niyang bilhin. “Sa motorsiklo ko nasabi e. Alam ko ‘yung dahilan bakit hindi ‘yung motor ang nabili ko. Masyado siyang mahal,” bulalas niya.
Pero in-insist pa pa rin namin kung may sinabihan ba siyang ganitong linya sa babaeng minahal niya.
Aniya, “Kasi, baka iniisip ng iba exciting ‘yung bago, ‘yung makikilala mo pa lang. Pero sa totoo lang, mas nakakapagod ‘yun kasi panibagong adjustment na naman ‘yun, pagkikilala ng mga ugali, panibagong kapaan ng loob.
“Ginagawa ko ba ‘yung parte ko para maging ‘the one’ para dun sa taong kasama ko. Ako ba ‘yun?”
Pero nasabi ba niya ito sa kasalukuyan niyang karelasyon na si Barbara Ruaro na siya na nga ang “the one” niya? ”’Yun ‘yung gusto pinagsusumikapan kong gawin na masasabi niya sa araw-araw sa buhay niya na ako ‘yun.”
Masaya na raw sila ngayon kasama ang kanilang anak na magti-three years old na.
Okay naman daw sila ni Harlene Bautista, at may komunikasyon daw sila para sa kanilang mga anak.
Medyo masalimuot nung bago pa lang sila maghiwalay, pero sabi ni Romnick, wala naman daw talaga silang problema ni Harlene. “E ganun talaga e. May mga opinyon ang mga tao, at meron silang mga palagay, merong nag-aakalang alam nila ‘yung kuwento kahit hindi.
“Hindi maiiwasan na naging maingay at naging magulo. Pero between us, pareho naman kaming tahimik. Pareho naman kaming maayos, at nakakapag-usap naman kami. At nakakasama ko ‘yung mga bata, at nakakasama namin ‘yung lahat ng mga anak namin.”
Maayos din daw ang samahan ng mga anak niya kay Harlene sa anak niya kay Barbara.
Patuloy pa ring napapanood si Romnick sa Unbreak My Heart at magaling din sila roon ni Eula Valdez.
Michael V., may gagawin sa matigas…
Ngayong gabi na mapapanood sa GMA 7 ang last episode ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Si Michael V. ang special guest na kakaiba ang role na hindi napapanood sa kanyang Pepito Manaloto at sa Bubble Gang.
May pagka-misteryoso ang role niya rito bilang si Hugo Salazar, at nagpasalamat si Sen. Bong Revilla dahil ginawa ito ni Bitoy.
Ngayon pa lang ay pinag-uusapan na kung kailan na ang season 2.
Sa October ay sisimulan na nila ang taping para makapagbangko na.
Ang sabi bandang February raw ipalalabas ang season 2, pero dahil sa maganda ang ratings pati ang pasok ng commercials, baka mapaaga pa raw ito.
Ang tanong ngayon kung sina Beauty Gonzalez pa rin ba ang gaganap na si Gloria, ang matapang na misis ni Tolome?
Pati si Max Collins na magaling din ay tinatanong kung siya pa rin ba ang pagseselosan ni Gloria.
“Abangan niyo na lang kung si Beauty pa rin. Pero, sa nakita ko naman, wala namang reklamo kay Beauty, napakagaling niya.
“Si Max (Collins) magaling din. Tingnan natin, ayoko munang mag-plus and minus,” napapangiting sagot ni Sen. Bong.
At kahit si Cong. Lani Mercado ay humahanga kay Beauty.
Agree siya sa sinasabi ni Sen. Bong na napakagaan katrabaho ng aktres.
- Latest