Next year na ulit mapapanood ang action-comedy show ni Senator Bong Revilla sa GMA na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Season break muna ito at mapapanood this Sunday ang finale episode with his real misis, Rep. Lani Mercado.
Maaalalang si Lani ang original leading lady ni Bong sa pelikulang may kaparehong title nang gawin nila ito in the ‘90s.
Ginampanan nito ang role ni Gloria na ngayon nga ay si Beauty Gonzalez ang gumaganap.
And this Sunday, wife ng ibang senador ang gagampanan ni Lani, si Senator Bato dela Rosa.
Natural comedian aniya si Sen. Bato dela Rosa at pinatunayan niya ito sa Walang Matigas...
Ayon kay Sen. Bong kasalukuyan nang pinaplantsa ang second season at dahil sa mataas na ratings ng naturang weekly mini-series ay may mga pag-uusap raw na gawing daily show pero wala pa raw confirmation.
Samantala, this August ay ipinagdiriwang niya ang 50th showbiz anniversary na sa kabila ng napakaraming pelikulang nagawa ay nananatili pa rin ang kakisigan, as if hindi tumatanda kaya proud na pinapakita ang kanyang mga muscle.
At bukod sa kanyang showbiz anniversary, ipagdiriwang din ni Sen. Bong ang kanyang 57th birthday this coming Sept. 25 kaya’t magkakaroon siya ng double celebration.
Siya ay unang nagkaroon ng exposure sa pelikula noong siya ay seven years old nang isama siya sa pelikulang Tiagong Akyat – taong 1973 sa ilalim ng Imus Production na pinagbidahan ng kanyang amang si Ramon Revilla Sr. with Aurora Salve.
Nagmarka rin ang role niya noong siya ay 14 years old sa pelikulang Bianong Bulag na pinagbidahan din ng kanyang ama at ni Charito Solis.
Hanggang nasundan ‘yun ng iba pang pelikula at noong 1983 ay inilunsad siya sa pelikulang Dugong Buhay na pinagsamahan din nila ng kanyang ama sa ilalim ng Lea Production.
Ilan pa sa mga naging blockbuster movie niya ay ang Boboy Tibayan-Tigre ng Cavite sa ilalim na ng RNB Films hanggang sa magtuluy-tuloy na ang kanyang showbiz career.
Mula rito ay tinanghal na siyang Titanic Action Star at personal ding pinili ng yumaong Fernando Poe Jr. na gumanap na Panday na isa ring blockbuster movie.
Maraming mga pelikulang ginawa ang aktor pulitiko na tumatak sa mga manonood. Tulad ng Pieta, Ang Ikalawang Aklat; Sa Dibdib ng Sierra Madre; Celeste Gang; Tigre ng Cavite; Beloy Montemayor; Anak ng Supremo; Isa Lang ang Dapat Mabuhay; Bodyguard:Masyong Bagwisa Jr. at Sgt. Villapando: A.W.O.L. at maraming iba pa.
At hindi lang siya sa pelikula nakilala.
“Ang Daddy ko mismo ang naging mentor ko hindi lang sa paggawa ng pelikula kung hindi maging sa pag-arte, siya mismo ang humubog sa akin hanggang sa aking paglaki,” chika ni Sen. Bong.
Samantala, ayaw pang magbigay ng detalye ni Sen. Bong pero kumpirmadong may gagawin silang pelikula ng kapwa actor/senator na si Robin Padilla na ang tentative title ay Alyas Pogi at Bad Boy.
Pangiti-ngiti lang si Sen. Bong kahapon nang tanungin namin ang detalye tungkol dito.
Anyway, mismong si Rep. Lani ang abala sa pag-iimbita ng mga nakatrabaho ni Bong sa 50th showbiz anniversary / birthday celebration nito.
Sa ngayon ay wala na raw siyang mahihiling pa kumbaga.
“Palagi kong sinasabi ‘to, eh, I am so blessed. Lahat sa Panginoon, pasasalamat lang, eh. Dahil imagine, nandiyan ‘yung anak ko, abogado, abogada, doktora, tapos andyan sina Jolo, sina Bryan, nagse-serve na rin para sa bayan.
“Ano pang hihilingin ng isang Bong Revilla? Wala na, eh,” sabi niya.
Biro niya pa, “pwede na akong kunin ni Lord, anytime,” sabay-tawa.
“Ibig sabihin, I’m so blessed, fulfilled, as a father, actor, as a politician, naging number one na ako nu’n (as Senator), na-achieve ko na ‘yan. Napabagsak ako ng kalaban ko, bumangon ako, nakatindig ulit ako.
“’Etong career ko sa showbiz, I’m back again. I mean, mahal pa rin tayo ng tao. So, ano pang hihilingin ni Bong Revilla?”
Hirit niya pang biro, oo nga raw ay 57 years old na siya, pero ang puso niya ay 37 years old lang.