Tila seryoso si Nora Aunor sa pag-manage sa showbiz career ni John Rendez.
Sinamahan niya ito sa pictorial nung nakaraang linggo para sa promo ng pelikulang pagbibidahan niyang, Tomacruz...Sa Puso ng Isang Anak.
Game na game si Ate Guy na nakipagtsikahan at masaya nilang ibinalitang binili na raw ng GMA 7 ang TV rights nito at umaasa silang kukunin din ito ng Netflix o ibang streaming service.
Ilan sa napag-usapan sa pictorial na ‘yun ay ang matagal nang planong pagsasapelikula ng kuwento ng buhay ng original Superstar at ngayon ay isang National Artist for FIlm.
May mga pag-uusap na raw tungkol sa gagawing biopic niya pero isisiksik sa isang pelikula, baka ilang oras ang aabutin nito at mala-Lav Diaz na ang dating.
May binabalak daw kasing tribute para sa kanya na gagawin sa susunod na taon, pero wala pang katiyakan ito.
“Plano pa lang. Ginagawa pa lang nila. Pero bago ‘yun, baka ituloy o magawa na ‘yung true-to-life, bale movie ‘yun. Part 1, part 2, part 3... kasi masyadong mahaba pag pinag-isa. ‘Pag pinanood natin, baka bukas na tayo matapos e. Matatalo pa natin niya si Lav Diaz e. Mababalewala ‘yun, ‘yung ginagawa niya, ‘pag pinag-isa mo ang kuwento,” bulalas ni Ate Guy.
Hindi pa raw niya naiisip kung sino ang gaganap bilang si Nora Aunor.
“Magkakaroon siguro ng audition. Kailangang magkaroon ng audition,” sabi pa ni Ate Guy.
Wala pang masabi ang National Artist sa mga susunod na gagawin niya.
Meron ding pinaplano si direk Adolf Alix na ipa-publish na libro niya, pero hindi pa rin pala ito nasusulat. Busy pa rin daw ngayon si direk Adolf na siyang mag-aasikaso dapat nito.
May ilan pang pelikulang naka-line up pero hindi pa raw niya alam kung matutuloy.
Masaya raw siya na natapos nila ang Pieta ni Alfred Vargas na kung saan kasama nila rito sina Jaclyn Jose at Gina Alajar.
Hindi rin kasi masabi ni Alfred kung isa-submit nila ang finished film nito sa Metro Manila Film Festival.
Pero natutuwa si Ate Guy na nakatrabaho niya si Alfred. “Ay! Napakabait na tao ni Konsehal. Sa totoo lang, napakabait na tao, napakadaling kausapin. Tapos honest siya kapag umarte. ‘Pag hindi niya talaga alam, nagtatanong siya talaga. Pero magaling na artista siya,” saad ni Ate Guy.
Excited din si Alfred na mapanood ng lahat itong Pieta. Sobrang puring-puri niya ang Superstar nang sandali naming nakatsikahan sa nakaraang premiere night ng pelikula nilang Badge of Honor na nag-showing na sa mga sinehan kahapon.
Pero ang isa sa kinumusta namin ay ang asawa niyang si Yasmine Espiritu na naka-bed rest pa rin pala hanggang ngayon.
“Actually ngayon, kung hindi siya ano... usually kasama ko naman siya. Bed rest siya. Minsan hinaharana ko na lang. Pero minsan ‘pag nakaipon siya ng lakas, lumalabas naman siya.
“’Pag kaya, there are good days na lumalabas na siya, tapos uwi na rin kami agad,” tugon ni Alfred.
Kaya tinututukan pa rin daw niya ang kanyang asawa, dahil kailangan daw talaga niyang alalayan ito. “Talagang ano siya... talagang lahat gagawin niya para sa mga anak niya. ‘Dun naman ako lalong bumilib at lalong na-in love sa asawa ko,” dagdag niyang pahayag.
Sa susunod na linggo ay magpapa-check na raw uli si Yasmine at baka malalaman na nila ang gender ng magiging fourth baby nila.
Pero kung tatanungin si Alfred, feeling daw niya girl ang ipinagbubuntis ni Yasmine.