Luis abswelto, Ate Vi nabunutan ng tinik sa dibdib
Lusot si Luis Manzano sa syndicated estafa.
Hindi nga ito kabilang sa mga kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na may kinalaman sa mga reklamong natanggap nito hinggil sa Flex Fuel Petroleum Corporation.
Sinampahan ng kasong syndicated estafa sa Taguig Prosecutor’s Office si Ildefonso “Bong” Medel Jr. kasama ang 11 opisyal ng kumpanya.
Dahil dito, nagbigay din ng statement ang Star For All Seasons sa kaibigan niyang PM columnist na si tito Ed de Leon tungkol sa kinalabasan ng imbestigasyon.
“Minsan nga nasabi ko, hindi baleng maubos ang pera ko, naranasan ko na rin naman ang ganyan noong araw, bayaran na lang iyan para matigil na. Pero tumanggi si Luis, kasi sabi niya hindi ganoon, Ma. Kung babayaran iyan, mawawala ang problema pero parang inaamin ko na kasali ako sa scam. Ang gusto kong mangyari ay mapatunayan na wala akong kinalaman doon at managot kung sino ang may kasalanan.
“Tama siya, at tama rin si Ralph (Recto) na nagsabi sa akin na matibay ang mga ebidensiya pabor kay Luis. Ngayon matapos ang imbestigasyon ng NBI, lumabas na wala ngang kasalanan ang anak ko. Kasi para sa isang ina, napakasakit noong ang anak mo ay pinagbibintangan nang hindi tama.
“ Isipin ninyo isinasali siyang pilit sa kaso ng syndicated estafa, at kaya lang daw nagbigay ng sosyo ang ibang tao ay dahil sa kanya, ni hindi naman niya nakakausap ng lahat ng mga taong iyon. Salamat na lang sa Diyos at natapos na rin,” kumpisal pa ni Ate Vi na ramdam mong nabunutan talaga ng tinik sa naging desisyon ng NBI.
- Latest