Si Tali ang pinakamasaya sa gender reveal party para kay Pauleen Luna na ginanap sa kanilang tahanan nung nakaraang Lunes.
Natupad ang wish niyang baby girl ang kanyang magiging kapatid.
Kaya nga nag-effort sina Danica Pingris at Joy Sotto na magpa-party para lang sa pamilya, para mapagbigyan lang si Tali.
Pero sobrang na-enjoy ni Pauleen ang party na ‘yun dahil nakita niyang masaya ang anak na pinaka-excited daw sa lahat.
First time magpa-gender reveal ni Pauleen dahil ‘yung kay Tali noon ay ginawa lang nila sa Eat Bulaga na silang mga Dabarkads lang ang nandun.
Kumagat lang daw sila ng cake at doon na-reveal sa pink na kulay, at ‘yun na.
Itong sa pangalawa nilang baby ay talagang nagpa-party kasama ang buong pamilya na inabot na raw ng halos mag-hatinggabi na. “Sobrang saya! Ngayon lang ako nakakita ng gender reveal na ganito (laugh emoji),” text sa akin ni Pauleen.
Bukod kay Tali, masayang-masaya rin si Bossing Vic Sotto na naging emotional na raw at hindi napigilang maluha. “Super saya siyempre. Si Vic umiyak,” text uli sa akin ni Pauleen.
Liza, ‘di napansin nang rumampa sa Cinemalaya
Hindi muna sa Cultural Center of the Philippines ginanap ang Cinemalaya XIX dahil ginagawa ito. Inilipat muna ito sa PICC na mukhang doon muna ng ilang taon.
Pero kahit nasa ibang venue na ito, dinagsa pa rin ng maraming tao na karamihan ay film students at filmmakers.
Interesting ang karamihang entries na dito nakikita ang galing ng kabataang filmmakers.
Maraming promising at sana mabigyan ng break ng ating film producers.
Isa sa well-attended na gala ay ang pelikulang Tether na entry ni Gian Arre.
Nung nakaraang Lunes ng gabi ang gala night nito na sinuportahan ng mga taga-Kapuso dahil kay Mikoy Morales na lead actor sa pelikula.
Halos dalawang oras ang pelikula na may pagka-sci-fi na mala Black Mirror ang dating.
Pero sabi ni Mikoy, ang dami raw niyang natutunan sa pelikulang ito lalo na sa mga intimate scenes nila ng lead actress na si Jorrybelle Agoto.
Isa na rito ay ang love scenes na ginawa nila na talagang kumuha pa raw ng intimacy coordinator para mag-guide sa kanila at pati sa production staff. “Dito na reassure ‘yung pananaw ko sa paggawa ng mga ganung eksena na parang... puwede palang ganito e. Bakit hindi natin gawin dun sa ibang scenes, sa ibang shows na kailangang ganito, na kailangan ng intimacy workshops or kahit ng coordinator o mag-usap man lang. It really helps e ,” pahayag ni Mikoy.
Happy na ang Kapuso actor sa mga ginagawa niyang indie films.
Bukod sa Tether ay kasama rin ang aktor sa isa pang Cinemalaya entry na Rookie.
“I think career-wise, I’m in a really happy place na pinag-uusapan lang natin dati.
“And I think this time around, parang... akala ko okay na ako. Hindi pala e. Mas nakakagutom siya na puwede palang ganito. Puwede pala ‘yung sinasabi natin dati.
“So, mas open siguro ako ngayon sa mas marami pang puwedeng gawin. Bukod dun sa akala ko gusto ko na before. Mas marami pa pala akong gusto,” saad ni Mikoy Morales.
Samantala, nung nakaraang Linggo pala ang gala night ng Rookie na entry nina Samantha Lee at Natts Jadaone. Bida rito sina Pat Tingjuy at Aya Fernandez kasama si Agot Isidro.
Dumating pala roon si Liza Soberano na hindi napansin ng karamihan. Tahimik lang na dumating ang aktres kasama si Maris Racal at ilang kaibigan.
Ano na kaya ang plano sa career ni Liza? Paano na kaya ang kanyang Hollywood career?