‘Magsumikap, maging matapang, at huwag sumuko. ’ Ito ang mindset ng bawat imigrante pagdating sa pagkamit ng kanilang layunin sa ibang bansa. At hindi naiiba dito ang fashion model na si Chris Wycoco.
Sa kanyang pagsisikap, abot-kamay na ni Chris ang pagkamit ng kanyang mga pangarap.
Katulad ng ating mga kababayan na nasa US, siya rin ay umunlad. At ang kanyang pag-unlad ay naiiba sa karamihan. Siya ay nag-aral at nagtrabaho hanggang naitayo niya ang kanyang taxation company, ang Wycotax LLC.
Simple lang ang kwento ni Chris.Siya ay ipinanganak sa Manila ngunit lumaki sa Nueva Ecija. Sa edad na 14, natutunan na niya kung paano kumita sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga paninda. Dito niya kinukuha ang kanyang allowance para sa kanyang pag-aaral at dahil dito, nahasa ang kanyang kakayahan sa pagnenegosyo sa murang edad. Ginawa niya ito hanggang sa matapos niya ang kanyang degree sa kolehiyo ng may karangalan.
Taong 2010 nang pumunta siya sa US para sa career advancement. Nakilala niya rito ang kanyang kasosyo sa negosyo, isang Certified Public Accountant at dito na nagsimula ang Wycotax LLC.
At kahit pa namamayagpag si Chris sa US, hindi pa rin niya nakakalimutang pagbigyan ang mga special gathering invitations lalo na pagdating sa fashion shows. Si Chris ay isa ring fashion model at ilang beses na rin siyang nakarampa sa entablado. Isa rin siyang magaling na host kaya naman palagi siyang nagkakaroon ng mga shows dito at sa ibang bansa. Excited na nga ang guwapong binata dahil siya ang itinalagang opisyal na host ng kilalang Miss Earth beauty pageant na gaganapin sa tatlong state sa Amerika ngayong Agosto – sa Washington, sa Oregon at sa Colorado. Siya rin ang opisyal na host ng America Excellence Award na gaganapin next month.
Pupunta siya sa Pilipinas ngayong Setyembre para sa kanyang business, hosting at modeling engagements at para na rin bisitahin ang kanyang pamilya at mga kaibigan.