Ang daming na-inspire sa kuwento ng pag-ibig ng dalawang baguhang aktor na sina Kennedy Nakar at Paul Cervantes na lumabas sa isang BL series sa YouTube nung nakaraang taon.
Naging open ang dalawang ito na miyembro sila ng LGBTQIA at magkarelasyon sila.
Mag-aapat na taon na sana ang kanilang relasyon, pero sa kasawiang palad, pumanaw na si Kennedy sa sakit na Leukemia nung nakaraang linggo.
Ibang type ng Leukemia ito na ang tawag ay AML o Acute Myeloid Leukemia. “Rare po sabi ng doktor. Rare and aggresive itong AML, kaya kailangan ng agad-agarang chemotherapy. Wala po siyang stages,” bahagi ng kuwento sa amin ni Paul Cervantes nang nakapanayam namin sa DZRH nung Lunes ng gabi.
Sinubaybayan ng netizens ang kanilang kuwento at dumami ang supporters nila dahil sa nakita nila kung paano sila magmahalan at talagang hindi siya iniwan ni Paul.
May sakit ang tatay ni Kennedy. Ang nanay niya ay nagtatrabaho sa Israel, at ang nag-iisang kapatid nito ay isa pang special child.
Kaya talagang si Paul ang nag-alaga sa kanya sa hospital hanggang sa pumanaw ito.
Kuwento pa ni Paul, napakabilis ng nangyari kay Kennedy dahil nung June lang daw ito na-diagnose sa ganung karamdaman, pagkalipas lang ng mahigit isang buwan ay pumanaw na ito.
Ngayon ay nakaburol pa rin sa Nueva Ecija ang labi ni Kennedy dahil hinihintay pa nila ang pagdating ng kanyang ina mula Israel.
Nahihirapan lang daw sila sa pag-aayos ng visa nito pabalik ng bansa.
Ang daming pumuri sa pagmamahal na ibinuhos ni Paul sa namayapang partner.
Hindi rin daw niya alam kung paano niya kinaya itong araw-araw na pagtitiyaga niya sa pag-aalaga sa isang taong may malubhang sakit.
Hanggang sa burol nito ay si Paul ang nakabantay at nag-aasikaso kasama ang ilang kamag-anak ni Kennedy.
Hanggang sa ngayon ay hindi rin daw niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin pagkatapos ng libing.
Heart, ‘di nagbigay ng sakit sa ulo sa endorsements
Sa gitna nang isyu ni Heart Evangelista sa kanyang glam team, tinupad pa rin ng actress/influencer ang commitments niya nang maayos.
Tuwang-tuwa ang kaibigan naming si Gerry Sy ng Super Sam at may-ari rin ng Opulence Design Concept na hindi raw talaga sila nagkaproblema sa pagkuha kay Heart bilang first endorser nila.
Kuwento sa amin ni Gerry, noon pa man ay bumibili raw si Heart ng pieces nila sa store.
“Since pandemic, she buys for us and post it on her social media. She even did free home decor video sa YouTube niya,” pakli ni Gerry.
Ngayong taon lang daw sila nag-decide na kunin na si Heart na endorser at hindi raw sila nahirapan sa negotiation.
Tinanong namin na tiyak na super mahal ang talent fee na ibinayad nila. “Very reasonable lang for a small business,” mabilis na sagot sa amin ni Gerry.
Ang suwerte raw nila dahil para sa isang effective endorser, hindi raw nagbigay ng sakit ng ulo sa kanila.
Hindi sila nagbayad sa glam team na dala ni Heart na mabait din daw sa kanila ang grupong ito. “Even ‘yung reel na pinost niya, I did not pay her videographer and photog,” sabi pa sa amin.
Kaya hindi raw deserved ni Heart na masangkot sa ganitong negatibong isyu dahil maayos daw at napakabait sa kanila, pati sa launching nito na ginanap sa The Metropolitan Museum sa BGC nung nakaraang linggo.
“I think she is very effective, kasi she is the best epitome of opulence and luxury,” sabi pa sa amin ni Gerry Sy.