Naka-move on na si Andrea Brillantes sa ex niyang si Ricci Rivero.
Ito ang isa sa rebelasyon niya kahapon matapos na pumirma ulit ng kontrata sa ABS-CBN na nabanggit din niya sa kanyang vlog..
Maging siya raw ay nagtaka sa sarili na ganun kabilis niya nalampasan ang pinagdaanan sa ex.
“Nagkaroon po ako siguro ng one month talaga na mahirap para sa akin. ‘Di ba five stages ‘yun? Per week, ibang stage ako sa loob ng isang buwan na iyon. Pero thank you Lord kasi hindi ko po pinagdaanan ‘yung depression kasi ‘di ba anger, denial, bargaining, depression and then acceptance. Na-skip ko ‘yung depression,” pag-amin niya sa interview ng ABS-CBN.com.
Dagdag niya sa naturang interview : “Pero ito, pinili ko po kasi talagang mag-reflect lang, isang linggo ako lang, hindi ako lumabas. Wala rin akong kinausap kung ‘di ako lang,” banggit ng Kapamilya aktres at social media star.
Pero mas malaman ang binanggit niya sa kanyang vlog tungkol sa pagta-traydor. “Kapag trinaydor ka na, ‘wag mo nang balikan. Pinakita na niya ‘yung sarili niya sa ‘yo. Hindi totoo ‘yang 2nd chances na ‘yan.
“Hindi sila worth it, ‘wag na, babay, cut off, next!”
Ngayon daw ay mayroon siyang assignment sa sarili niya. “May bucket list ako na gusto kong gawin lahat mag-isa. Mag-concert mag-isa, manood ng movie mag-isa, makapag-condo at alam n’yo ‘yun, lahat ng things na gusto kong gawing mag-isa,” aniya na hindi pa binubura sa kanyang social media accounts ang souvenir ng kanilang relasyon ng baketbolista.
Samantala, 2010 siya nag-umpisa sa ABS-CBN.
At inilarawan niya ang kanyang naging journey bilang isang ‘pribilehiyo, tahanan, at masaya.’
“It’s a privilege for me na maging Kapamilya artist. Pangalawa, home kasi lahat po sila parang talaga tatay at nanay, parang pamilya magmahal, mag-alaga, at tingnan ka bilang tao. Pangatlo, masaya maging Kapamilya kasi buo kaming pamilya,” saad niya.
Dagdag ni Andrea, hindi siya nakakita ng rason para umalis sa ABS-CBN lalo na at maraming proyekto pa ang paparating sa kanya.
Nagsimula siya bilang child star sa gag show na Goin’ Bulilit hanggang sa nakilala siya sa kanyang pagbida sa iba’t ibang teleserye tulad ng Annaliza, Hawak Kamay, Huwag Kang Mangamba, at Kadenang Ginto.