Malaking hamon para kay Joko Diaz ang pagganap sa kanyang karakter bilang si Joaquin Serrano sa Nag-aapoy na Damdamin. Matagal-tagal nang gumaganap bilang isang kontrabida ang aktor at ngayon ay naranasang maging kakampi ng mga bida sa programa. “Akala ko magaan, hindi pala. Mas mahirap itong role na binigay sa akin dahil para maging seryoso ako na parang mabait na parang ‘di bagay. Pero it’s a challenge and I accept challenges. Kasi ‘pag hindi ko ginalingan dito mawawalan ako ng trabaho. Actually, it’s tough,” pagtatapat ni Joko.
Kinailangan umanong paghandaang mabuti ng aktor ang kanyang karakter bilang isang doktor. Inaral ni Joko kung paano magsalita at kumilos ang mga doktor. “No’ng binigay sa amin ‘yung characters namin, sinit down na kami ni direk. Do’n pa lang, nag-build na kami ng sarili naming character na okay sa kanila. Dito kasi doctor ako so kailangan ko maintindihan kung ano ‘yung mga ibig sabihin ng terms so may konting research. Dito ‘yung puso sa character, ‘yon ‘yung kailangang maintindihan dito. Kasi ibang klase itong istoryang ito,” pagbabahagi niya.
Mag-aapat na dekada nang aktibo sa show business si Joko. Wala raw naging problema sa aktor na makatrabaho ang mga baguhang artista katulad ng mga bida ng programa na sina Ria Atayde, Tony Labrusca, Jane Oineza at JC de Vera. “Hindi naman sila iba sa akin. ‘Yung mga bago lang ngayon, hindi uso ang attitude sa set namin. Lahat ng artista dito come on time, lahat nagpapakilala bago pumasok sa set. So everybody knows each other and alam namin kung ano ang mga characters namin,” kwento ng aktor.
Mutya, ngayon lang nakatikim magpelikula!
Sa kauna-unahang pagkakataon ay magbibida sa pelikula si Mutya Orquia. Makakatambal ng dating child star si Beaver Magtalas sa Magic Hurts. Gagampanan ni Mutya ang karakter ni Olivia na talaga naman daw dapat pakaabangan ng mga manonood. “Kaaawaan, kaiinisan or katutuwaan. Hindi pa natin sure how Olivia will be accepted by moviegoers. I just want to thank direk Gabby (Ramos) for giving that role. It’s my first time working with Beaver and Maxine (Trinidad) in a movie. Actually I am not expecting anything sa pagpunta namin sa Baguio and Benguet, where we will shoot,” nakangiting pahayag ni Mutya.
Sobrang excited na ng dalaga na simulan ang shooting ng kanyang pelikula. Bilang kauna-unahang pagbibidahang pelikula ay talagang inaral daw ni Mutya ang script nito. “Nasa utak ko po ngayon super excited talaga ako to film my first movie. Super excited ako after I read the script and when we were having a meeting with direk Gabby. Direk always communicated with us. He was very open to the suggestions of the artists. Kaya alam kong magiging magaan at light ang shoot namin,” pagtatapos ng aktres.
(Reports from JCC)