Kinarir na rin ni former Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang pagdidiskubre sa Pinoy talents tulad ng Hori7on na pwedeng ipantapat sa sikat na Korean groups na BTS at Blackpink.
Ibinahagi niya na tuloy ang pakikipag-collab niya sa ABS-CBN Dream Maker para makabuo muli ng isa pang boy group na maaring ipadala para mag-train sa Korea. “Magagaling, nakita ko na sila na… five months na o six months na ngayon doon (sa Korea). Pero magagaling dahil lalabas na sila, eh. Pero ‘yung iba, four years, five years, taon kung mag-training.
“Ito ang bilis, eh. Ba’t ang bilis, ‘kako, magagaling sila, eh. So magre-recruit uli kami by November. Puro lalaki pa. Babae nga sana, ‘kako, eh, lalaki pa rin. Kahit BTS panay lalaki,” ani Chavit sa kausap na mga press nung opening ng BBQ Chicken resto na pag-aari rin ng kanyang kumpanya na mga Korean din ang kanyang business partner.
Pantapat ba ang grupong ito sa BTS? Sagot niya, “Hahaha, pwede, ang gagaling nila. Magagaling! Ako nga… mukhang Koryano na sila, eh, mga buhok, may kulay na, eh. Nakita ko sila sumayaw doon, araw-araw, 12 hours a day ang practice nila.”
Bukod sa pagdiskubre ng pambatong P-pop groups, nagbukas nga si Chavit ng Korean barbeque chicken resto na hatid ang fried chicken na na-feature sa sikat na K-dramas gaya ng Goblin: The Lonely Great God, Crash Landing On You, The King: Eternal Monarch at My Love From The Stars.
Ito ‘yung chicken na laging may kasamang beer.
Matatagpuan ito sa 3rd floor ng Robinsons Magnolia sa Quezon City at nagkaroon ng pormal na inauguration last week kasama si QC Vice Mayor Gian Sotto.
Ayon sa kanya, bukas sila for franchising basta’t may magandang lokasyon. Nauna na silang nagbukas nito sa BGC. “So, anybody is qualified… sa Korea, meron silang Chicken University. So lahat ng franchisee, mga chef, mag-aaral doon ng two months. Pero nahiling ko na dito na lang mag-training para hindi masyadong malayo. Kasi balak na maglalagay tayo sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila,” pahayag ng dating pulitiko na kamakailan naman ay dinala sa bansa ang Korean superstar na si Lee Seung-gi.
Anyway, must-try ang lahat ng variants ng kanilang fried chicken, bulgogi bibimbap, cobb salad, olive o soy tteokbokki, fried sampler at marami pang iba.
Grabe ngayon ang pagkaadik ng mga Pinoy sa Korean dramas. At damay rito ang mga restaurant.
Tuloy rin ang pinaplano nilang Korean lifestyle hub sa bansa ng Korean actor. “Tuloy ‘yun. Magtatayo kami ng Little Seoul dito sa Metro Manila, mga building, mga center. Do’n sa Metrowalk. Parang little Korea pero tatawagin nating Little Seoul,” ayon sa unang interview ni Chavit.
Sinabi naman ni Lee Seung-gi na nagandahan siya sa Vigan nang pumasyal siya sa nasabing probinsya.