ABS-CBN Foundation, tuloy ang pagtulong sa libu-libong evacuees sa Albay
Sa gitna ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon, patuloy ang pag-aabot ng ABS-CBN Foundation, Inc., kasama ng Sun Life Philippines Foundation, ng kanilang tulong sa libu-libong mga residente, na tumutuloy sa iba’t ibang evacuation sites sa Albay, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga relief pack at bagong lutong pagkain.
Mahigit 6,100 na indibidwal, na hindi makakain ng sariwang pagkain dahil sa kakulangan ng mga sangkap at kagamitan, ang nabigyan ng pagkain sa pamamagitan ng Sagip Kapamilya Mobile Kitchen.
Mahigit 1,800 pamilya ang nabigyan din ng mga relief pack na may kasamang bigas, de-lata, sabon, shampoo at kagamitan sa paglilinis.
“Delikado talaga ‘yan. Ang Bulkang Mayon hindi natin alam. Ang sisihan laging nasa huli,” ani Aldrin Luna, na nilisan muna ang kanyang tahanan at kabuhayan dahil sa pagsabog ng bulkan, sa isang TV Patrol report.
Nagpasalamat din siya sa ABS-CBN Foundation sa tulong na kanilang ibinigay.
“Maraming salamat sa tulong niyo. Salamat sa pagpunta dito sa barangay namin at sana marami pang mapuntahan niyo na nag-evacuate din sa mga baryo,” dagdag niya.
Tumatanggap pa rin ang ABS-CBN ng cash donations sa pamamagitan ng kanilang mga awtorisadong bank account at mobile wallets na GCash, Maya, at PayPal sa pamamagitan ng QR codes. Available rin ang mga donation voucher sa Shopee at Lazada. Tinatanggap din ang mga in-kind na donasyon sa ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya Warehouse. Hinihikayat ang mga donor na tawagan muna ang bodega bago ihulog ang kanilang in-kind na donasyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan kay Arlan Acebedo o Pat Salonga (09695196436).
- Latest