Tahimik na at tipid ang sagot ng model/actress na si Maureen Wroblewitz kapag lovelife na ang pinag-uusapan.
Pati ang tungkol kay JK ayaw na rin daw muna niyang magsalita. Nasa healing process pa rin daw kasi.
Hiningan namin siya ng pahayag tungkol sa huling single ni JK na pinamagatang May Halaga Pa Ba Ako Sayo?, na tila para pa rin sa kanya. Hindi na ito sinagot ni Maureen.
Ang text lang niyang ipinarating sa amin, “I’m wishing him all the best.”
Pati na rin ang current boyfriend niyang si Noah Steinbuch ay mas pinili ni Maureen na huwag na lang pag-usapan. “I’m very happy,” lang ang sagot niya.
Nag-i-enjoy siya sa Amerika kasama roon ang boyfriend, at abala rin siya sa pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa special screening ng pelikulang Take Me To Banaue na ginawa nila rito sa Pilipinas. “We have had 12 screenings so far. We were in Texas, Florida, Arizona, Las Vegas, New York, Washington DC.
“It’s been an amazing experience because I not only get to see beautiful places around the US but I also get to interact with the Filipino communities.
“We have received an overwhelmingly positive response and support of the film,” pahayag ni Maureen.
Kasama niya ang co-stars niya na dalawang Hollywood actors na sina Brandon Melo at Dylan Rogers at Kapuso actress na si Thea Tolentino.
Sobrang na-enjoy raw ni Maureen nang magkasama sila ni Thea na inikot nila ang iba’t-ibang bahagi ng Amerika. “That’s the best part about the trips, getting to bond with my co actors. We get along so well and have become a little family,” sabi pa ni Maureen.
Wala pang announcement ang producer at direktor ng pelikulang ito na si Danny Aguilar ng Carpe Diem Productions kung kailan ang streaming nito. Pero natutuwa raw sila sa magandang feedback mula sa mga nakapanood nito sa special screenings.
Bukod sa Take Me To Banaue, matagal na ring tapos ang Runway ni Maureen na kinunan pa sa New Zealand kasama si Kit Thompson. Dahil sa iskandalong kinasangkutan ni Kit, hindi natuloy ang streaming nito.
Pero may plano pa raw ang Reality MM Studios na film project para sa beauty queen/ actress.
Sabi naman ni Maureen, willing siyang bumalik ng bansa kapag may magandang film project na ipapagawa sa kanya.
Ipe, inalala si Ricky
Muling nagkita-kita ang mga taga-That’s Entertainment sa burol ng actor/director na si Ricky Rivero.
Karamihan doon ay mga miyembro ng Tuesday at Wednesday group na close sa namayapang aktor.
Ang tiyuhin nitong si Phillip Salvador ang isa sa pamilya na nag-iistima sa mga dumarating para makiramay.
Sa mga kasamahan naman ni RIcky na taga-That’s…, sina Harlene Bautista at Karla Estrada ang punong abala sa pag-aasikaso.
Andun ang mga dating miyembro ng That’s Entertainment na hindi na active sa showbiz, at may iba na silang career. Kaya hindi na sila halos nakikilala.
Ang ka-PEP Troika naming si Jerry Olea ang pumunta sa burol at nagbigay sa amin ng situationer ng mga nagaganap doon.
Iniri-report niya ito sa radio program namin sa DZRH na Showbiz Talk Ganern.
Sinasabi nga raw ng mga taga-That’s… na sana hindi naman daw sila sa burol nagri-reunion, kundi sa ibang okasyon naman. Nagbigay sila ng eulogy para kay Ricky, at madamdamin ang kanilang mga pahayag.
Isa dapat sa magsasalita ay si Sharmaine Arnaiz, pero hindi raw niya kayang magsalita.
Sandali rin naming nakapanayam si Kuya Ipe, at sinabi niyang natutuwa raw siya sa mga kuwento nila tungkol sa namayapang pamangkin.
Napag-usapan pa nila kung paano nila na-confirm na miyembro ng LGBTQIA si Ricky. “Nakakatuwa kasi, you know, talagang mahal nila si Ricky. Kasi, nakita nila at naramdaman, na-experience talaga nila sa buhay nila ‘yung pagiging kaibigan niya,” ayon kay Kuya Ipe.
Natawa raw siya sa kuwento ni Karla na malapit din kay Ricky. “Nung magkasama daw sila sa Wednesday group, magka-partner sila, at nili-lifting siya. Natawa ako sa sinabi niya nang tinawag siya, ‘mare, medyo mabigat ka.’ Dun daw niya nalamang babae si Ricky.”
Pero sabi naman ng aktor, sinubukan naman daw niyang magpakalalaki si Ricky Rivero. “Ang hindi nila alam, ginawa kong action star si Ricky.
“Walang biro. ‘Yung movie namin na Ikasa Mo, Ipuputok Ko. Isinama ko siya talaga sa movie,” bulalas ni Kuya Ipe.
“Ang pasasalamat ko lang sa That’s Entertainment sa grupo niya, nakita ko ang pagmamahal nila sa kanya. Okay na ako dun. I know naman na he’s already in the kingdom of God. So, he’ll be happy there. Tapos na ‘yung pain niya,” saad ng dating action star na si Phillip Salvador.
Nakatakdang i-cremate si Ricky Rivero, bukas (Biyernes).
Wala pang pahayag ang pamilya kung kailan at saan nila ito ililibing.