Kwentong pag-ibig at pananaw sa pakikipagrelasyon ang bubungad sa mga makikinig ng Podcast Ng Mga Walang Jowa, ang bagong online show ng P-pop group na BINI na napapakinggan na ngayon sa Spotify.
Sa unang pagkakataon, pahinga saglit ang BINI members na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena sa paghahatid ng musika at bigating performances sa kanilang podcast na tungkol sa buhay pag-ibig na para kay Aiah ay “parang very taboo siya ‘di ba to talk about for our ‘idol life.’”
Samantala masaya naman si Jhoanna sa pagkakataon na ma-normalize ang usapin tungkol dito.
Aniya, “Masaya kasi nabigyan tayo ng chance. Let’s normalize this topic. Yes idol tayo pero tao rin tayo, nai-inlove rin tayo.”
Kaya inaanyayahan nila ang lahat na makinig sa kanilang kwentuhan na para sa kanila ay maituturing na break mula sa kanilang busy schedule.
“We’re used to singing and dancing and moving around, [but] this time it’s more laidback,” ani Aiah.
“Usap lang talaga. Parang wala tayong audience. It’s just you and me,” diin naman ni Jhoanna.
Sa unang episode nito na pinamagatang “Sino ang TOTGA mo?,” nagbigay ng kani-kanilang kahulugan sa pag-ibig sina Jhoanna at Aiah at nagbahagi rin si Aiah tungkol sa kanyang TOTGA experience.