May kumalat na sa online kung ano ang gagamiting title ng noontime show nina Tito, Vic and Joey. Ang sabi, E.A.T. o Eto Ang Totoo na nabanggit na ni Joey de Leon sa nakaraang media day nila.
Sabi ng ilang napagtanungan namin, ‘yan daw muna ang gagamitin, inilalaban pa rin nila ang Eat Bulaga sa korte.
Bukod sa title, may iba pang kasong kaabang-abang na dinig namin na damay pati ang ilang staff na nag-resign at sumama sa TVJ.
May isyu pa sa copyright, kagaya ng Pinoy Henyo na nasa pangalan ni Jenny Ferre.
Nung sandaling nakausap ko si Jenny, ipinaliwanag niya sa akin, na wala naman daw sa kasulatan na dapat ipapa-copyright ‘yun sa TAPE Inc. “Kung okay naman sila, ibibigay ko naman ‘yun sa kanila e. Saka ang laki na ng kinita nila dun. Sa akin, suweldo lang. Wala naman akong nakuhang bonus dun,” pakli ni Jenny.
Hindi ko lang alam kung ano ang reaksyon ni Jenny nang sinimulan na kahapon ang bagong game na mala-Pinoy Henyo rin. Bahagyang nabago lang sa mechanics at ginawang Word of the Rings ang title.
Masaya at exciting ang matinding tapatan ng tatlong noontime shows, pero patuloy pa rin nating susubaybayan ang isyu ng TVJ at ang grupo nito laban sa TAPE, Inc.
Nung nakatsikahan nga namin ‘yung direktor nila ng mahigit 30 na taon na si direk Poochie Rivera, ipinaliwanag niya na nag-iba raw talaga ‘yung naramdaman nila nang nagkaroon sila ng general assembly at magsalita si Mr. Romeo Jalosjos.
Aniya, “ That was a pretty dark moment for me. Kasi, ‘yung pagkuwento niya, iba ‘yung reality niya sa reality ko. Parang sinabi nga niya, ‘o nalulugi na ‘yung kumpanya. Dineclare n’ya ‘yun. We’re losing money. And in a very subtle way, o but thank you everyone. It was worth it all these years. Ganyan ganyan.
“But you see, it’s time to give somebody the younger ones... ‘yung ano. Meron siyang parang referring to the TVJ, the artists. And so probably the officers.
“Tapos meron siyang sinasabi, I understand naman because of the years probably the salaries are big, are high, but you know for the company to survive, we need na dapat parang magtipid ‘yung company. So, that the TAPE could last for more ano.
“So parang, ikaw there you are listening to all of these, you understand naman that na may reference, referring to me and some the other officers too. Kasi, ilan lang naman kami with that company for a good 30 years.”
Samantala, nakatsikahan din namin si direk Mike Tuviera sa nakaraang media launch ni Marian Rivera bilang bagong official endorser ng Blanc Pro ng Beautederm ni Ms. Rei Anicoche-Tan.
Kinumusta namin sa kanya ang kanyang amang si Mr. Tony Tuviera, na tahimik pa rin hanggang sa ngayon. Hindi naman daw talaga magsasalita ang daddy niya.
Hindi naman daw siya involved sa TAPE, Inc. dahil sa APT Entertainment naman siya at Triple A na nagma-manage kay Marian. “Actually, pinag-usapan naman namin ‘to ng dad ko, my passion was always movies kasi, saka narrative. So, ang TAPE naman kasi ang gumagawa ng narrative. So, I was never involved in TAPE. Sa APT talaga ako ever since,” dagdag niyang pahayag.
Mas nai-enjoy raw ng daddy niya na magkakasama silang pamilya.
“Sa family, kami, ‘yung mga apo niya. He’s catching up on time with family. ‘Yun ‘yung main ano niya, parang source of happiness niya ngayon. Laging kasama ‘yung family.”
Pero siyempre nalulungkot din daw Mr. T sa mga nangyayari.
“I think kahit sino naman. I think buong bansa naman nalungkot sa change of events.
“Pero, he’s okay now. Lalo na... we don’t talk about it. But ano naman, as long as sorrounded siya ng family,” saad ni direk Mike Tuviera.
Marian, pinaglalaba na si Zia!
Nakakatuwa ang kuwento ni Ms. Rei Tan sa media launch ng Blanc Pro na sinasabi niyang nagtatrabaho ang panganay niyang anak na si Kenneth sa Beautederm.
Lahat na trabaho ay ginawa raw ng anak niya pati ang pagiging janitor. Kamakailan lang ay nagwi-waiter nga raw sila kanilang coffee shop.
Ganundin daw si Marian na natutuwa siya sa panganay nilang anak na si Zia.
Magsisimula na siyang mag babalik-taping at shooting na rin ng pelikula nila ni Dingdong Dantes. Pinagbilinan na raw niya si Zia na siya na ang magbabantay sa kapatid niyang si Sixto.
“Matured kasi mag-isip si Zia e. Nakaka-proud siya bilang ate,” bulalas ni Marian.
Ang isa pang nakakatuwa ay nagtatrabaho na raw sa bahay nila si Zia.
Naglalaba na nga raw ito. Ani Marian, “May checklist ako sa kanya sa dapat niyang gawin.
“Kung puwede ko lang ma-share sa inyo, meron dun siyang list na kailangan wina-wash niya ‘yung underwear niya, everytime na ginagamit niya.
“So ‘yung kanyang routine sa bahay, cleaning the room, turn off the lights and the TV, alam mo ‘yung ‘pag hindi ginagamit, clean up your room, pick up your clothes, ang wash your underwear.
“Ano naman si ZIa e, alam niya kung paano niya dadalhin ‘yung sarili niya. “