'It's Showtime' mapapanood na sa GMA subsidiary, ititigil broadcast sa TV5

"G na G na! Abangan iyan!" sabi ng GTV sa kanilang opisyal na Twitter at Facebook pages ngayong Martes.
GTV/Released

MANILA, Philippines — Tila nagbaliktad na talaga ang mundo matapos iendorso ng GTV — isang TV channel sa ilalim ng GMA Network — ang ABS-CBN noontime show na "It's Showtime," bagay na halos 14 taon nang karibal ng "Eat Bulaga!" sa channel 7.

"G na G na! Abangan iyan!" sabi ng GTV sa kanilang opisyal na Twitter at Facebook pages ngayong Martes.

Nangyayari ang lahat ng ito matapos ianunsyo ng mga nagmamay-ari ng TV5 na lumipat na sa kanila ang original hosts ng "Eat Bulaga!" na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon atbp. para lumikha ng content para sa Kapatid Network.

Matatandaang nagsilipatan ang mga "legit Dabarkads" sa TV5 matapos maiulat ang isyu na hindi nababayaran ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE Inc.) ang dating "EB" hosts. Nagpapatuloy ang "Eat Bulaga!" sa GMA-7 tuwing tanghali ngunit sa ilalim ng mga panibagong hosts.

Ika-22 ng Pebrero 2021 nang i-relaunch ang GTV matapos nitong palitan ang dating GMA News TV.

"Simula 1 July 2023, mapapanood na rin ang 'It's Showtime' sa GTV mula Lunes hanggang Sabado ng 12 ng tanghali," pagkukumpirma ng ABS-CBN sa hiwalay na pahayag ngayong araw.

"G na G na tayo, Madlang People!"

'Showtime' mawawala na sa TV5

Aminado naman ang ABS-CBN na mawawala na ang "It's Showtime" sa TV5 dulot ng panibago nitong programming.

Isang taon nang napapanood sa Kapatid channel ang naturang noontime show matapos hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN sa channel 2

"Dahil sa bagong programming ng TV5, ikinalulungkot naming ibalita na hindi na mapapanood ang 'It's Showtime' sa TV5 simula 1 July 2023," dagdag pa ng ABS-CBN.

"Taos-pusong nagpapasalamat ang ABS-CBN kay TV5 Chairman Manny Pangilinan para sa kanyang pagsuporta sa ABS-CBN at sa paghahatid ng 'It's Showtime' sa mas maraming manonood sa pamamagitan ng aming content partnership."

Paliwanag pa nila, inalok sila ng TV5 ng 4:30 p.m. time slot sa gitna ng paglipat ng TVJ at mga Dabarkads sa naturang network. Gayunpaman, tinanggihan ito ng ABS-CBN.

Aniya, pinahahalagahan nila ang magandang samahan na nabuo nila sa mga manonood tuwing tanghali.

"Tinitiyak namin sa mga manonood ng 'It's Showtime' na patuloy nilang mapapanood ang kanilang paboritong noontime show sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC mula Lunes hanggang Sabado ng 12 ng tanghali," dagdag pa ng ABS-CBN.

"Lubos ang aming pasasalat sa GTV Channel ng GMA at nakahanap ng isa pang tahanan ang 'It's Showtime.'"

"Maraming, maraming salamat sa mga manonood na nagmamahal at sumusuporta sa 'It's Showtime' at sana ay patuloy kayong mapasaya ng aming programa."

Show comments