Mas maraming estudyante na ang may access sa quality at mga bagong video lessons sa pamamagitan ng Knowledge Channel Portable Media Libraries matapos mabigyan ng mga ito ang 40 public schools sa Ifugao.
“We have high hopes that the children of Ifugao will be equipped with the necessary tools to overcome the obstacles of learning poverty, while also experiencing a more engaging and enjoyable schooling journey,” pahayag ni KCFI president and executive director, Rina Lopez.
Mula ng inilunsad ang mga offline video materials, nasa mahigit 5,000 units na ang ipinamahagi ng KCFI at higit 100 local at international partners nito sa iba’t ibang mga pampublikong paaralan sa bansa. Patuloy din ang rollout ng in-person teacher training programs ng KCFI para sa patuloy na pagsuporta sa mga gurong Pilipino.
Sa pagdiriwang ng ika-24 na anibersaryo nito, ang KCFI ay nananatiling nangunguna sa educational innovation sa paggawa ng mga palabas tulad ng ‘Wikaharian Grade 2,’ isang serye para sa pag-aaral ng pagbasa sa Filipino, ‘MathDali Grade 1,’ nakatutok sa mga pangunahing kaalaman sa basic mathematics, ‘Wow! Leyte,’ serye sa Araling Panlipunan na nagpapakita ng natatanging kagandahan at kapaligiran ng Leyte, ‘Heroes of Zero,’ naglalayong tugunan ang cyber bullying at magturo ng responsableng paggamit ng internet sa mga bata, at ‘AgriKids’ isang palabas para sa mga batang nasa K-2 para maenganyo at matuto ng agrikultura.
Bahagi ng selebrasyon ay ang pagkakaroon ng month-long free webinar na “TalkED: Early Childhood Series,” sa Nobyembre upang talakayin ang iba’t ibang hamon sa formative years ng mga bata at mga parenting advice mula sa mga eksperto.
Ilulunsad rin ang ‘25 for 25’ kung saan bibigyang pugay ang 25 na mga guro sa kanilang mga kahanga-hangang istorya at karanasan sa edukasyon at community building katuwang ang KCFI.
Ilan lamang ito sa mga programang patuloy na nagbibigay tulong at gabay sa mga magulang, guro at estudyante sa bansa.