Sa edad na apatnapu’t limang taong gulang ay aminado si Judy Ann Santos na naranasan ding magrebelde noong kabataan. Dumating umano sa puntong nagpapakalasing sa alak ang aktres dahil sa kanyang mga pinagdadaanan sa buhay. “Sa pagkakataong ito, pwede kong sabihin na ‘yung pagsimula ko ng teenage years na umiinom ako, lumalabas at naglalasing ako. I think ‘yon ‘yung rebellious point ko na talagang pakawala ako. At that time lang, walang social media, walang pruweba, ebidensya. Pero hindi ako nagwawala sa hindi ko bahay o hindi pribadong lugar. Hangga’t maaari, hindi ako pupunta ng isang inuman na masama ang loob ko, na alam ko ang gusto kong gawin ngayong gabi ay magwala,” pagtatapat ni Judy Ann.
Sinisiguro naman daw ng aktres noon na hindi naaapektuhan ang trabaho at ang kanyang mga katrabaho sa tuwing nalalasing. “Ina-allow ko ‘yung sarili ko na kailangan kong pakawalan itong galit na ito, itong frustrations na ito. Kasi otherwise, may maaapektuhan na akong tao, may maaapektuhan na akong trabaho and they don’t deserve na maapektuhan sa kung ano ‘yung pinagdadaanan ko,” makahulugang pahayag niya.
Ayon kay Juday ay dumating sa puntong limang proyekto ang kanyang ginagawa sa loob ng isang taon. Para sa Young Superstar ay talagang naranasan niya ang labis na kalungkutan sa kabila ng kanyang kasikatan noon. “Feeling ko sila ‘yung magka-love team talaga sa industriya natin. If you don’t know how to balance things and hindi mo na alam paano mo i-identify ‘yung truth sa fiction and sa career and whatever else in between, mawawala ka talaga. Makakain ka ng mundong ito na buhay na buhay.”
Sheryn at jowang si Mel, partner sa concert series
Magsisimula na sa July 8 sa Music Museum ang All Out concert series ni Sheryn Regis. Bahagi ito ng selebrasyon para sa ika-dalawampung taon ng singer sa music industry. “Ito ‘yung concert kumbaga ibibigay ko buo, that’s why it’s called All Out. Ang pakiramdam ko ay sobrang happy ako. At least buhay pa ako at kumakanta pa rin,” bungad ni Sheryn.
Matatandaang inamin ng tinaguriang Crystal Voice of Asia sa publiko noong 2021 ang tungkol sa relasyon nila ni Mel de Guia. Ayon kay Sheryn ay sinusuportahan niya ang mga programa ng LGBTQIA+ community lalo na ngayong Pride month. “Sumusuporta talaga ako sa mga programs ng LGBT. Siyempre sinusuportahan din nila ako. Ngayon dito ko mae-express more, being part of the LGBTQIA+ community,” giit ng singer.
Ang kasintahan din ni Sheryn na vlogger at negosyante ang tumatayong prodyuser ngayon ng naturang concert series. Pagkatapos sa Music Museum ay nakatakdang lumipad ng magkasintahan para July 14 na gaganapin sa Montreal, Canada, July 15 sa Toronto, Canada, July 22 sa New York City, USA, July 29 sa Seattle, USA, July 30 sa Vancouver, Canada, Aug. 5 sa California, USA, Aug. 12 sa Alberta, Canada, at Texas, USA naman sa Aug. 19.
(Reports from JCC)