Seth, hindi takot maghirap ulit
Unang nakilala si Seth Fedelin bilang isa sa housemates ng Pinoy Big Brother Otso edition noong 2019. Simula noon ay kabi-kabila na ang proyektong ginawa ng binata sa show business. Sa loob ng apat na taon ay marami nang naipundar si Seth para sa sarili at sa kanyang pamilya. “Sabi ko kay papa, may motor ka na, tatlo ‘yung sasakyan natin, ang yabang eh ‘no, proud lang naman ako. Nabilhan ko na kayo ng bahay. Nakakakain tayo sa mga ganyan, nakakasakay na tayo ng eroplano, may passport na tayo. ‘Yung mga gano’n dati hindi namin nakikita na kaya naming marating,” nakangiting pahayag ni Seth sa YouTube channel ni Karen Davila.
Bukod sa bahay at mga sasakyan ay nakabili na rin ng isang farm ang aktor sa kanilang bayan na kalahating ektarya ang sukat. Ayon kay Seth ay talagang masipag ang kanyang ama sa pagtatanim at pag-aalaga ng iba’t ibang hayop. “Kasi sanay kami sa probinsya, so no’ng pumunta kami rito sa Cavite, tapos nalaman ‘to ni papa last year lang din ay agad ko nang kinuha. Dati kasi puro talong (ang nakatanim) tapos inuunti-unti ni papa. Lahat po nang nakikita n’yo dito si papa lang ang may gawa,” kwento ng binata.
Sa edad na dawalampung taong gulang ay nangangarap nang magkaroon ng sariling bahay si Seth. Hangad din ng aktor na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga mahal sa buhay. “Hindi ko pangarap sumobrang yaman. Sanay na ako sa hirap, bakit ako matatakot maghirap ulit? Ngayon pinaplano ko ‘yung mga insurance ng mga kapatid ko. Ang mga nagma-matter talaga sa akin, itong investment. Para sa sarili ko po, magkaroon ako ng bahay. Pero hindi pa ako ready na iwanan sina mama sa bahay. Sa pamilya naman, ngayon magka-college na ‘yung sumunod sa akin, pangarap ko makatapos sila ng pag-aaral. Kina papa, natupad ko ‘yung pangarap niya magkaroon ng ganito (farm). Kay mama naman, walang hinihiling si mama,” pagtatapos ng aktor.
Alfred, gusto ring makatrabaho si ate Vi
Kahit abala sa pagiging konsehal ng ika-limang distrito ng Quezon City ay nakagagawa pa rin ng proyekto si Alfred Vargas bilang isang aktor at prodyuser. Nakatrabaho ni Alfred si Nora Aunor para sa pelikulang Pieta. “Ang maganda kasi sa isang distrito anim kayo so pinaghahatian n’yo ‘yung trabaho. ‘Pag congressman ka sa isang distrito, isa ka lang eh. Dahil konsehal ako, nagkaroon ako ng opportunity to work with one and only Superstar na ipapalabas this year. Post-prod pa lang kami. Ayaw lang naming madaliin kasi ayaw naman namin ng hilaw kasi Nora Aunor ‘yan. We take our time,” pagbabahagi ni Alfred.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatrabaho ng actor-politician ang nag-iisang Superstar. Habang ginagawa ang isang eksena ay nakita umano ni Alfred ang mukha ng kanyang tunay na ina kay Ate Guy. Ginampanan ng aktor ang karakter ni Isaac na anak naman ng karakter ni Nora na si Rebecca. “Isa talaga ito sa mga paborito ko. Merong isang eksena na magkaharap kami ni Ate Guy. Quiet lang ‘yung eksena, na-feel ko na siya talaga ‘yung nanay ko. Pinaramdam niya sa akin ‘yung pagmamahal ng isang ina sa eksena. To the point na sa loob ng eksena, nakita ko ‘yung mukha ng mommy ko sa kanya,” kwento niya.
Ngayong nakaeksena na si Ate Guy ay nangangarap naman si Alfred na makatrabaho ang ilan pang beteranong mga artista sa industriya kung mabibigyan ng pagkakataon. “Siyempre nag-Nora Aunor na ako, gusto rin natin si Vilma (Santos). Tapos gusto ko rin makatrabaho si Hilda Koronel and then Christopher de Leon nakatrabaho ko na rin. Siguro si Richard Gomez kasi idol ko ‘yon, Albert Martinez. Gusto ko rin makatrabaho ‘yung mga bata rin na next generation. Gusto ko gumawa ng pelikula with Diana Zubiri for the sake of lang ng mga nagme-message sa Facebook,” paglalahad ng actor-politician. (Reports from JCC)
- Latest