Newbie na si Shira Tweg, gustong maging kontrabida ni Jillian

Shira Tweg
STAR/ File

Ang bilis ng tinatakbo ng singing at acting career ng showbiz newbie na si Shira Tweg.

Mula sa pagiging isa sa lead stars ng advocacy film na Sugat sa Dugo ng Dragon Management nina Bambbi Fuentes at Tine Areola ng Bait Lehem, na pinagbidahan din nina Khai Flores at Janice de Belen, gumanap siya bilang batang Sharon Cuneta sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Kahit Maputi na ang Buhok Ko, ang filmbio ng batikang composer na si Rey Valera, heto at sasabak ang 16-year-old na si Shira sa pag-aartista, this time bilang batang Nora Aunor sa sequel ng Pinoy classic film na Himala kung saan makakasama naman niya sina Ate Guy mismo at Venice International filmfest Volpi Cup best actor John Arcilla.

Siyempre, honored na honored ang batang singer-actress sa malalaking breaks na ito na ipinagkakaloob ng management niyang Saranggola Media Productions.

Hindi nga naman madalas ang ganitong pangyayari na ang isang baguhang tulad niya ay mapili para gumanap sa papel ng isang Megastar at Superstar.

Sosyal.

Anyway, bukod sa pag-aartista, active rin si Shira sa kanyang singing career.

Katunayan, released na ang debut single niyang Pag-ibig na isinulat ng award-winning songwriter-director na si Joven Tan para sa Star Music at mapapakinggan din sa Star Music YouTube Channel.

Katatapos din niyang mag-perform bilang guest sa two-day Gyud Food Market fest sa UP Food Hub, kung saan pinalakpakan at talagang hinangaan ng UP Music students at iba pang guests ang rendition niya ng Pag-ibig at Paasa (T.A.N.G.A.) ni Yeng Constantino.

First live gig daw niya ang katatapos na UP show at aminado siyang medyo may kaba pa siyang nararamdaman, pero tuwang-tuwa siya sa mainit na pagtanggap na ibinigay ng crowd na talagang nagtitilian.

“The people, the students around me while I was performing were cheerful kahit hindi po nila ako kilala. As in cheer lang sila nang cheer, parang ano po, they give hype, ganu’n po, so it feels really good, welcoming, parang hindi po ‘yung parang sa ibang audience na deadma lang na ‘ay, sino ba ‘yan, ‘di ko kilala.’ Sila po as in kahit hindi po nila ako kilala, ang lakas, sumisigaw, cheering, want more. So it really felt good,” kwento ni Shira, na big fan nina Yeng at Moira dela Torre.

Marami pang nakaplanong projects si Shira ngayong 2023 na aniya ay under negotiations pa sa ngayon.

“I’ve decided to go all around po talaga. Kahit ano po. I am really willing to go and do anything — to act, to sing, to dance, to perform and even to model in some commercials,” sey ng bagets.

Para ihanda ang sarili, nag-undergo si Shira ng iba’t ibang workshop sa iba’t ibang coach mula nang 13 years old siya.

Nag-audition daw siya sa Sparkle GMA Artist Center, Net25 at iba pa at mas bet niyang magkontrabida at gumawa ng horror o thriller films.

Nang tanungin kung sino ang gusto niyang makatrabaho bilang kontrabida, binanggit niya ang pangalan ni Jillian Ward.

Sa ngayon, hindi naman nagsa-suffer ang pag-aaral niya dahil nakakaya niyang pagsabayin ang showbiz at school. Incoming Senior High student si Shira sa De La Salle University.

Dream daw talaga niya ang maging singer at artista kahit noong bata pa siya at sa Israel pa sila nakatira ng kanyang pamilya.

Six years ago lang nang bumalik sila ng bansa ng kanyang pamilya na pag-aari ang Bait Lehem - House of Bread.

Determinado siyang sumikat at matupad ang pangarap sa showbiz.

Show comments