Joshua, handang pumatol sa matanda
Si Julia Barretto ang huling naging kasintahan ni Joshua Garcia. Nagkahiwalay ang dalawa noong 2019. Ilang taon na ring kasintahan ng aktres si Gerald Anderson habang si Joshua naman ay nanatiling single. Nagbigay ng reaksyon si Joshua sa napapabalitang planong pagpapakasal na diumano nina Julia at Gerald. “Oh! They’re planning to get married? Hindi ko alam ‘yan, bago sa akin ‘yon. Ngayon ko lang narinig ‘yan. Pero kung saan sila masaya, support ako do’n. Medyo matagal na rin kaming hindi nag-usap, pandemic pa. Parang separate ways na talaga kami. Masaya na kami sa iba’t ibang ginagawa namin,” pagtatapat ni Joshua.
Kung sakaling nakahanda nang umibig muli ay mayroon na umanong hinahanap ang binata sa isang relasyon. Walang problema kay Joshua kung magiging mas matanda sa kanya ang babaeng muling magpapatibok ng kanyang puso. “Oo naman, I mean ako kasi 25 years old na, naghahanap na ako ng deeper connection, emotionally stable. Parte na do’n ang pagiging masaya ‘yung exciting love part pero mas deeper connection ang hinahanap ko talaga ngayon,” makahulugang giit ng aktor.
Wala mang kasintahan ngayon ay masaya naman daw si Joshua sa takbo ng kanyang showbiz career. Bukod sa Unbreak My Heart series na napapanood na sa GMA Telebabad at iba’t ibang streaming platforms ay si Joshua rin ang bida sa Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan na napapanood naman sa Amazon Prime. “Masaya ako ngayon. In love ako sa trabaho ko ngayon, very in love,” nakangiting pahayag ng binata.
Vice, may pangontra sa mga kaguluhan sa paligid
Malaking bagay para kay Vice Ganda na nakakausap ang inang si Rosario Viceral tuwing gabi. Para sa Unkabogable Phenomenal Star ay labis na kaligayahan ang nararamdaman kapag nakikita at nakakausap bago matulog ang mahal na ina. “Every night tumatawag talaga siya. Every night nag-uusap kami sa telepono. Bago siya matulog kailangan makita ko muna ‘yung mukha niyang walang pustiso. Kaligayahan ko ‘yon eh saka ‘yan ‘yung gusto kong nakikita every night. Ang laking awas no’n sa nararamdaman ko,” kwento ni Vice.
Abala ang komedyante sa iba’t ibang trabahong ginagawa kaya nagsusumikap na makasama at makausap palagi ang ina kapag mayroong pagkakataon. “I really appreciate every time na may ganyan. Gusto ko siyang makasama, gusto ko siyang makausap. Sobra kong naa-appreciate kasi do’n ko ‘yun nare-realize na ‘yung value mo as a person. Sa gulo ng mga nagyayari sa paligid, meron at merong isang tao, ikaw pa rin ‘yung gusto niyang makita at saka makasama,” pagbabahagi ng It’s Showtime host.
(Reports from JCC)
- Latest