MANILA, Philippines — Nagpaalam na ang mga beteranong hosts ng noontime show na "Eat Bulaga!" sa Television and Production Exponents Inc. (TAPE Inc.), ito ilang buwan matapos sumabog ang isyung hindi pagbabayad sa kanila nang wasto.
Nitong Miyerkules ay nagpalabas ng lumang episode ang "Eat Bulaga!" sa Kapuso Network. Hindi raw kasi sila pinayagang umere nang live ngayong araw, paglalahad nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
Related Stories
"Simula ngayong araw, May 31, 2023, kami po ay magpapaalam na sa TAPE Inc. Karangalan po namin na kami ay nakapaghatid ng tuwa't saya mula Batanes hanggang Jolo at naging bahagi ng buhay ninyo," sinabi ni Vic.
"Maraming-maramming salamat sa inyong lahat. Hanggang sa muli, saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isanlibo't isang tuwa."
Abril 2023 lang nang sabihin ni Tito na tig-P30 milyon ang utang ng TAPE Inc. kina Vic at Joey. Ito'y kahit na kinakaltasan sila ng buwis.
Nabayaran naman na raw sa ngayon ang pagkakautang kay Vic, ayon sa isang ulat ng GMA. Aniya, bagay na ipinagpapasalamat niya sa paglabas ng isyu sa media.
"Hindi na po namin iisa-isahin ang laman ng aming mga puso't damdamin. Ang hangad lang po namin ay makapagtrabaho nang mapayapa, walangh maaargabyado, at may respeto sa bawat isa," dagdag pa ni Vic sa broadcast kanina.
Taong 1979 pa nang magsimula ang "Eat Bulaga!" sa RPN-9, hanggang sa lumipat ito sa ABS-CBN noong 1989. Napanatag ito sa GMA Network nang ilang dekada mula 1995 hanggang 2023.
Hindi pa kinukumpirma ng mga hosts kung lilipat lang sa ibang network ang "EB," ngunit una nang kumalat ang ugong-ugong na posibleng lumipat ang palabas sa TV5.
Usap-usapang dadalhin ng tatlo ang buong "Dabarkads" ng naturang programa. — James Relativo