Jimmy, big time ang pangangalakal sa Canada!

GMA News mismo ang nagbalita na si Jimmy Santos daw ay “nangangalakal” sa Canada.

Alam pala nilang nangangalakal sa Canada bakit hindi nila tulungan?

Nasaan iyong sinasabing ang Eat Bulaga ay patuloy na nagsusuweldo sa Dabarkads kahit na wala na sa show?

Bakit hindi rin nila matulungan si Jimmy Santos na noong panahong matindi ang kasikatan ay sila ang nakinabang?

Pero ituwid po natin, ang pangangalakal sa Canada ay hindi gaya rito na nagkakalkal sila ng basura. Doon kasi ang basura ay segregated na, at iyong naire-recycle o pakikinabangan pa iyon lang ang kanilang kinukuha, hindi gaya rito na iniisa-isa ang basura sa Payatas.

May isa ngang ma­laking kumpanya rito na nagitinda ng mga office equipment at furniture na secondhand lahat iyong ibinebenta nila kalakal lang sa abroad, at binabayaran pa sila para hakutin ang mga basurang iyon. Hindi ba may panahong nagkaroon ng controversy dito dahil ilang container na ang laman pala ay basura mula sa Canada ang nakita sa container port ng Maynila?

Kalakal iyon at tiyak na kumita na ang nag-import ng basurang iyon dahil binayaran sila para hakutin iyon.

Noong magkabukuhan dito, ayaw na nilang aminin na sila ang importer ng basura dahil illegal iyon. Hahalukayin pa nila iyon at kung may pakikinabangan, ihihiwalay at ire-repair kung puwede pa para maibentang second hand.

Kaya kung dito sa atin basta sinabing nangangalakal ay nakakahiya na, aba sa abroad lalo na nga sa Canada, big time iyon.

Chavit, mas may k mag-produce ng Pelikula

Nakakagulat pero nakakatuwa ang narinig naming balita na interesado pala si Governor Luis Chavit Singson na pasukin ang industriya ng pelikula at pati na rin ang musika bilang isang producer. Ang mga ganyan talaga ang kailangan ng industriya ngayon, iyong mamumuhunan, hindi iyong makikigulo lang, makikidaldal pero wala namang puhunan dahil papaano susulong ang industriya kung puro pangpurdoy na indie lang ang kayang gawin, mga small time na puhunan.

Naghahanap ang mga tao ngayon ng mga pelikulang gaya noong dati, hindi na uubra  ang mga indie. Hindi nila pinapasok iyan sa sinehan. Isipin mo nga naman, P370 ang bayad mo sa sine, tapos ang mapapanood mo indie na walang sikat na artista, pangit ang kuwento at halata mong tinipid at minadali ang pagkakagawa. Eh ang daming pelikulang Ingles, mas mahusay pareho rin ang bayad, mas magaganda pa ang mga teleserye na mapapanood mo nang libre sa TV, hindi ka pa lalabas ng bahay.

Kaya lang nakakalungkot din dahil ang mukhang gusto ni Chavit, makipag-collaborate kay Lee Seung-gi, eh bakit naman sa Koreano pa? Bakit hindi Pinoy nang tulungan natin eh tayo ang nangangailangan.

Sa Korea hindi sila hirap sa puhunan dahil ang industriya tinutulungan ng mga bangko, dito sa atin wala.

Aywan kung may makakakumbinsi kay former Gov. Chavit na ang tulungan na lang ay ang industriyang local.

Kawawa na ang mga artista at manggagawang Pilipino. Kung matutulungan natin ang industriya, hindi lang mga artista at manggagawa iyan, pati gobyerno makikinabang dahil sa taxes na makukuha nila.

Alam ba ninyong napakalaking taxes ang nawala sa gobyerno simula nang tumamlay ang industriya ng pelikula. Hindi lang ang 35% sa gross ang nawala. May amusemement tax pa iyan, may municipal tax na patong, may sales tax bukod pa sa EVAT. At tapos magkano ang nakukuha nila sa income tax ng mga artista at iba pang mangagagawa?

Kilalang showbiz personality, pumanaw sa depresyon!

Tinitiyak sa amin ng isa niyang malapit na kaibigan na “depression” ang dahilan ng pagyao ng isang kilalang showbiz personality.

Lumabis ang pag-aalala kung papano siya mabubuhay, nagkaroon na ng depression na hindi niya nakayanan.

Maraming depressed ngayon sa industriya, kaya basta ganoon kausapin ninyo, at turuan ninyong magdasal at lumapit sa Diyos. At iyon lang ang solusyon.

Show comments