'Groomer!': Netizens naalibadbaran nang jowain ni Coco Martin noo'y 16-anyos na si Julia Montes

Litrato nina Coco Martin (kaliwa) at Julia Montes (kaliwa)
Mula sa Instagram account ni Coco Martin

MANILA, Philippines — Inamin na nina Coco Martin at Julia Montes ang kanilang 12-taong relasyon matapos ang matagal nang ispekulasyon — pero tumaas ang kilay ng ilan nang malamang menor de edad pa ang aktres nang gawing nobya ng noo'y 29-anyos na aktor.

Martes lang nang aminin ni Coco sa panayam ng TV Patrol na meron nang namamagitan sa kanila noon pang 2011. Si Coco ay 41-anyos na habang si 28-anyos pa lang si Julia.

"If my math is mathing, 12 years ago ay 16 y/o pa lang si Julia Montes at si Coco Martin ay 29 na," komento ng Facebook user na si Adrian Puse nitong Miyerkules.

"Tinago kasi baka mabansagang Groomer. Char," sabi naman ng netizen na si Leslie Mae Aya-ay.

Biro naman ni Geoff Pelaz, "Probinsyanong groomer" na dapat ang itawag sa aktor na siyang reference sa "FPJ's ang Probinsyano" kung saan naging bida si Coco.

Kinekwestyon tuloy ng ilan ang pagiging "toxic" ng Filipino love culture, lalo na't itinambal si Julia kay Coco sa teleseryeng "Walang Hanggan" kahit na 17-anyos pa lang ang aktres. Mahigit 30-anyos na noon ang aktor.

Lumabas pa si Julia sa "Ang Probinsyano" noong 2022 kasama si Coco.

'Gusto kasi namin ng privacy'

Kahapon lang nang sabihin ni Coco sa panayam na meron talaga silang relasyon noon pa. Hinahayaan lang daw nila na nakikita silang dalawa magkasama sa publiko ngunit tahimik lang dahil gusto raw nilang maging pribado ang personal na buhay.

"Napakasarap ng pakiramdam namin dahil 12 years na kaming magkasama, pero pareho pa rin tulad ng dati," sabi ng aktor.

"Nilu-look forward namin kapag may project na magkasama kami and then kapag may pagkakataon, nakakalabas kami, nakikita kami ng mga tao pero name-maintain namin ang privacy sa buhay namin."

Siniguro naman ni Julia na totoo ang nakikita ng publiko. Bukod pa riyan, ipinagmalaki naman ng aktres na hindi nawawala sa sentro ng kanilang relasyon ang Panginoon.

“Basta kami, hindi naman na kami mga bata. Kung ano ‘yung nakikita at iniisip ng mga tao, ‘yun na ‘yun," patuloy ni Coco.

“Mas masarap ‘yung pakiramdam na pribado ang buhay namin, tahimik. Walang mga issue. Ito, masaya kami.”

Krimen ang grooming

Ipinagbabawal at pinarurusahan ng Republic Act 9775 (Anti-Child Pornography Act of 2009) at R.A. 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act ang "grooming."

Tinutukoy ng Section 3 ng RA 11930 ang ibig sabihin ng grooming: 

Grooming refers to predatory conduct, act, or pattern of acts, of establishing a relationship of trust, or emotional connection by another, with a child or someone who is beheved to be a child, and/or the family, guardian, and/or caregivers, whether in person or via electronic and other similar devices, for the purpose of perpetrating sexual abuse or exploitation or the production of any form of CSAEM.

To engage in the luring or grooming of a child: Provided, That grooming taking place offline as a prelude to violations under this Act shall also be penalized.

Paglabag sa Section 4 paragraph (m) ng RA 11930 ang "grooming" at pinarurusahan ng hanggang 20 taong kulong o reclusion temporal. Bukod pa 'yan sa multang maaaring umabot ng P20 milyon

Ito ay labag sa batas kahit na magbigay ng "consent" ang bata.

Show comments