MANILA, Philippines — Inanunsiyo kamakailan ng pamunuan ng Manila Broadcasting Company (MBC) ang pagbabalik ng Aliwan Fiesta, makaraan ang apat na taon. Gaganapin ito sa ika-13 hanggang ika-15 ng Hulyo, kasabay na rin daw ng anibersaryo ng DZRH.
Ang Kapistahan na nagbubuklod sa iba’t-ibang kampeong mananayaw mula sa mga kilalang pista sa mga lalawigan ay unang itinanghal noong 2003, pero natigil noong 2019 bago dumating ang pandemya.
Sa mga nakaraang tatlong taon, bumaling ang MBC sa kanilang digital platforms.
Dumalo sa pirmahan ng memorandum of agreement ang punong lungsod ng Pasay na si Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang vice president at artistic director ng Sining Pangkultura ng Pilipinas (CCP) na si Dennis Marasigan, at si Ruperto Nicdao, Jr, na siyang pangulo ng MBC.
Naroon din ang mga naggagandahang Reyna ng Aliwan na sina Jamie Herrell (2013) at Marla Alfoque (2017) kasama ng mga naging Aliwan Fiesta Digital Queen na sina Jannarie Zarzoso (2020) at Marikit Manaois (2022).
Inilunsad din ng MBC ang bagong logo ng Aliwan Fiesta na kasing kinang ng kulay dati, subalit mas payak ang anyo.