Pero kasama sa bahay….
Nakakatuwang tingnan ang pagsasama-sama ng mga anak ni Nora Aunor para ipagdiwang ang kanyang 70th birthday nung nakaraang Sabado ng gabi sa Seda Hotel sa Quezon City.
Naunang dumating si Matet de Leon kasama ang pamilya niya, sumunod sila Ian de Leon, na halos kasabay si Lotlot at pati sina Kenneth at Kiko.
Hindi lang nagpakuha si Kenneth sa litrato, pati sa group picture nilang pamilya.
Pero touching ang effort ng mga anak, lalo na si Ian na naghanda ng isang audio-visual presentation na kung saan nagbigay sila ng mensahe sa kanilang ina.
Si Lotlot lang ang hindi nakapag-record ng video, pero doon sa Seda na siya nagbigay ng message at halos ganundin sa mga sinabi ni Ian na ang dami na raw nilang pinagdaanan, pero gusto raw nilang iparating kung gaano nila kamahal ang kanilang ina.
Sabi ni Lotlot, “Ma, ang dami na nating pinagdaanan, tayong pamilya. Pero isa lang ang sigurado at maipapangako ko sa ‘yo, mula sa akin, mamahalin kita hanggang kailanman. ‘Yan totoo ‘yan.
“Nandito lang ako para sa yo, kahit anong oras, kailangan mo ako. Kahit gisingin mo ako ng alas-dos ng madaling araw, alas-tres, alas-kuwatro, babangon po ako para sa ‘yo.
“Mahal na mahal kita. Salamat po sa pagmamahal na binigay mo sa akin. Salamat po sa lahat na mga itinuro mo sa akin. Salamat. Wala po ako dito, kung hindi dahil sa iyo.”
Magmahalan at kalimutan na ang mga nakaraan nilang pinagdaanan ang mensahe nila sa isa’t-isa. At ‘yun din ang gustong iparating ni Ate Guy.
Pero ang isa sa ipinakiusap ni Ate Guy ay tanggapin at unawain nila si John Rendez na hindi siya iniwan sa lahat ng mga hinarap niyang pagsubok sa buhay.
Ito ang talagang ipinakiusap ni Nora Aunor nang magsalita ito sa magbigay ng kanyang mensahe.
“’Yung nangyari nung araw, kalimutan na natin.
“Magmahalan tayong lahat. ‘Yun lang ang hinihingi ko. Magkakaunawaan, walang siraan. May marinig sa ibang tao, magtanong tayo agad. Huwag tayong makikinig hangga’t hindi natin nakakausap ‘yung sinisiraan nilang tao,” pakli ni Ate Guy.
Kuwela lang nang nagkamali siyang sabihin si Ian ang pinakamatanda sa mga anak niya.
“Ian, ikaw ang pinakamatanda sa kanilang lahat… ay si Lotlot pala.
“’Yung nandito lang ngayon,” natatawa niyang pahayag dahil nakaalis na kasi si Lotlot nung oras na ‘yun.
“Ano ba naman ‘yun! Nagkakamali pa ako. Ang wish ko lang talaga, magkakabati tayo.
“Alam naman natin ‘yung totoo ‘di ba?” sabi pa niya. “Si John, alam n’yo kung ano ‘yung nangyari sa kanya. Huwag na natin palalakihin kung ano ang mga sinasabi ng ibang tao.
“Ang isipin natin, ang nanay n’yo, hindi iniwanan ng tao ng ilang taon.
“Nawala kayong lahat, nagkaroon ng pamilya, ang nariyan si John. Kaya hindi puwedeng hindi ko ipagtanggol ‘yung tao e.
“Mahalin natin. Mahalin natin ‘yung tao.
“Kagaya niyan. Nandito siya kanina. Pero hindi siya nagpakita nang husto, dahil alam niyang nandito ‘yung pamilya ko. Ayaw niyang may masabi na naman ang tao sa kanya.
“Si Matet lang ang nakausap niya.
“Sino ang hindi kumausap sa kanya. Papaluin ko. Joke lang ‘yun.
“Gusto ko lang magmahalan tayo.
“Kung ano ‘yung relasyon ni John… wala naman kaming relasyon ‘di ba? ‘Yun lang ang… nagkaroon lang ng… gusto ko lang malaman ng lahat na ipinagtatanggol ko ‘yung tao, hindi sa kung ano pa man diyan.
“Sana makita ko na magmahalan kayo. Kasi ako naman, matanda na ako e.
“Magpasalamat tayo sa kanya na mula noon hanggang ngayon, nandiyan pa rin siya.
“Bigyan natin siya ng pagkakataon na maipakita naman niya ‘yung talento na ibinigay ng Diyos sa kanya.
“Hindi niya maipakita e. Kasi, mag-recording, lumabas, may nasasabi ang tao e.
“So, bigyan naman natin ng pagkakataon… ilang taon na ba siya? 43 years old nandun na siya sa bahay e. Alam n’yo ‘yan. Ilang taon na siya ngayon? 53 years old!
“Ganun katagal na hindi ako iniwan ni John. Wala kaming relasyon, kasi sasabihin ng mga tao na may relasyon, parang sinabi ko na siya ba ‘yung pumapatol sa bata, ‘di ba? Meron naman akong konsensya.
“Pasensya na kayo, at ako’y hindi ako makapagsalita kasi hinihingal ako. Pero alam n’yo kung ano ang nasa puso ko, kung ano ‘yung nasa isipan ko. At ‘yun ang sinasabi ko, walang pagkukunwari. I’m so happy.
“Mahal ko ang mga fans, mga press na nagmahal sa akin, mga kaibigan, maraming salamat po,” pahayag ni Nora.
Binigyan siya ng mahigpit na yakap nina Ian at Matet na naiwan na lang doon sa party, dahil nakaalis na ang iba pa niyang anak.
Ilan pa sa mga dumating doon sa party ay sina Alfred Vargas, Ricky Davao, Snooky Serna, Dan Alvaro, Marissa Delgado, Beverly Salviejo, Geleen Eugenio, ilang executives ng GMA 7, at close friends na miyembro ng entertainment press.