Gabi-gabing napapanood ang karakter ni Charo Santos-Concio bilang si Lola Tindeng sa FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan ni Coco Martin. Ayon sa dating presidente at CEO ng ABS-CBN ay ibang-iba ang istilo ng kanilang trabaho sa set ng naturang serye. “Napakaibang experience nito para sa akin. Kasi may mga eksena kami ni Coco na hindi naman namin ni-rehearse tapos biglang may itatanong siya sa akin. Itatanong na lang niya bigla. Biglang huhugot ka talaga sa pagkakaintindi mo sa character mo at saka ‘yung hinihingi ng eksena,” kwento ni Charo.
Ang beteranang aktres ang tumatayong lola sa karakter ni Coco sa serye bilang si Tanggol. Para kay Charo ay talagang magagaling ang lahat ng kanyang kasamahang artista sa Batang Quiapo. “Ay! Naku talaga, kay gagaling. They give you the energy, they support. It’s a very collaborative work. Maraming salamat, Coco, kasi napakasarap na kapag lumalabas ako, hindi Ma’am Charo ang tawag sa akin, kung hindi Lola Tindeng. So happy naman ako Tanggol, aking apo na nakinig ka sa mga pangaral ko at babaguhin mo na ang takbo ng iyong buhay,” nakangiting pahayag niya.
Malaki rin ang pasasalamat ni Charo sa lahat ng mga tagahangang walang sawang sumusubaybay sa kanilang serye. Ginagawa umano ng kanilang buong grupo ang lahat ng makakaya upang mapasaya ang manonood tuwing gabi. “Maraming-marami pong salamat sa mga sumusuporta at sumusubaybay sa Batang Quiapo. Isang pamilya kami na ibibigay ang lahat ng aming kakayanan para makapagdulot ng isang magandang kwento gabi-gabi,” pagtatapos ng beteranang aktres.
Kaori, ayaw madaliin ang career
Nagsimulang makilala bilang isang housemate ng Pinoy Big Brother Otso Edition si Kaori Oinuma noong 2018. Mula noon ay naging aktibo na ang dalaga sa show business. Nangangarap umano si Kaori na magtatagal pa sa industriyang kanyang ginagalawan. “Siyempre gusto kong mas tumagal. Gusto ko rin na mas gumaling sa kung ano man ako ngayon, makipagtrabaho sa iba’t ibang artista, more experience,” bungad ni Kaori.
Magdadalawampu’t tatlong taong gulang na ngayong Hulyo ang aktres. Umaasa si Kaori na makagagawa ng isang role na talagang tatatak sa isipan ng mga manonood. “Siyempre ngayon sweet, tweetums ganyan. Pero understandable sa age ko rin naman pero gusto ko unti-unti mayroon ng bigat, mas may lalim. For me everything takes time. Hindi mo minamadali ang mga bagay na gusto mong magtagal. Dito sa industry natin parang minsan nakukumpara mo ‘yung sarili mo, ‘Bakit sila ganyan, mas nauuna na, sabay-sabay lang naman halos.’ Yeah, may pressure pero naniniwala ako na siguro kaya ka late kasi hinahanda ka ni God para sa mas better na para sa iyo talaga,” makahulugang paglalahad ng dalaga. — Reports from JCC