'Kaso hinika siya': Snooky Serna aminadong muntik itanan noon ni Albert Martinez
MANILA, Philippines — Aminado ang aktres na si Snooky Serna na muntikan silang magtanan ni Albert Martinez noong siya'y 15-anyos pa lamang, bagay na hindi lang natuloy matapos sumpungin ng asthma ang aktor.
Ito ang ibinahagi ng beteranang aktres sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules habang ikinekwento ang pinagdaanan nila ng dating nobyong artista — bagay na kanyang "first love" daw.
"Nakakatawa kasi 'yung first year namin, gusto namin magtanan na. First year of our relationship. Anniversary. So I was 15 then. We went to Antipolo para magtanan na," pagbubulgar ng aktres na sumikat bilang teen star noong '80s hanggang '90s.
"Kaya lang sinumpong si Albert ng asthma niya. So bumalik kami."
Pagbabahagi rin niya, si Albert talaga ang kanyang "unang pag-ibig." Dati rin silang nagkatambal bilang love team sa mga pelikula noon.
Nagpasalamat din siya sa kanyang mga magulang sa pagtitiwala sa kanila noong una silang pumasok sa relasyon ng aktor, lalo na't buong loob daw siyang tinanggap ng mga nabanggit.
"[So kung wala siyang asthma], baka kami na ang nagkatuluyan. Mag-asawa na kami. 15 or 16. Correct me if my memory serves me right," sabi pa niya.
"'Yung first time na sinagot ko siya at 14-years-old. You know, love comes to us in all ages. Walang pinipiling edad 'yan. I thank my parents for having been so trusting na kilala na nila kung sino naman ako."
"When I fell in love, they welcomed Albert in open arms. 'Yung first time na sinagot ko siya... prinofess ko 'yung pagmamahal ko sa kanya na sinabi kong 'I love you.'"
Ikinasal noon si Snooky sa aktor na si Ricardo Cepeda ngunit sumailalim sa annulment noong 2006. Meron silang dalawang anak: sina Samantha at Sachi.
Ngayong 2023 lang nang mapasana siya sa TV adaptation ng ng GMA sa 1980 film na "Underage," kung saan isa rin siya sa mga bida.
- Latest