Aminado ang beteranong aktor na si Pen Medina na humina ang kanyang puso simula nang operahan dahil sa degenerative disc disease (DDD) – spine disorder.
Pero nakakatrabaho na ulit siya though hinay-hinay lang daw.
Kasalukuyan siyang napapanod sa FPJ’s Batang Quiapo.
“Sugat ko na lang ang pinoproblema ko kasi mula nung naospital ako paglabas ko parang medyo humihina ang aking puso pero onti-onting lumalakas,” pahayag ng senior actor sa aming interview.
May mga bawal ka bang gawin ngayon?
“Ang pinakaiingatan kasi may implant, dalawang ganoon (dini-demonstrate niya ng kamay) kahabang naka-tornilyo sa puso ko kailangan walang matinding twist or pagyuko.”
Paano ka nag-iingat sa shooting o taping?
“Sinusubukan ko muna halimbawa may papagawa si Coco (Martin sa FPJ’s Batang Quiapo). ‘Tito Pen kaya mo ba itong ganito?’, ‘yung namamalimos ako. Direk subukan ko kapag hindi sumakit kaya ko po. Oh kaya Direk ‘wag lang malayo, ‘wag lang mabilis, walang suntukan.’”
May oras po ba kayo or may cut-off ka sa trabaho?
“Oo, pero syempre kapag ganyang taping lalo na wala kaming script on the spot ang <taping> talagang nai-extend ‘yan, shooting hours. Humingi ako ng cut-off. Noong umpisa hindi, nahihiya ako eh kaya lang parang bumabagsak lalo ‘yung katawan ko. Hindi kinaya pakiramdam ko... Humingi ako 10 o’ clock (p.m).”
Pero sa kabila ng kanyang kalagayan at edad, 72 na siya, wala sa plano ni Mang Pen na mag-retire at iwan ang showbiz.
“Wala, kasi hindi naman araw-araw lalo na ang dami naming cast hindi naman ako isasalang ng 3x a week pero thankful ako kasi bawat linggo nakaka-taping kami.
“The rest of the week nakakapagpahinga, nagpi-paint ako nagdo-drawing ako pang studies ko na hopefully makapag exhibit in the future,” banggit pa ni Mang Pen na dating kontra sa COVID-19 vaccine pero ngayon daw ay vaccinated na siya.
And yes, nagpi-paint daw siya.
At ang dami niyang pinakita sa aming gawa niya na naka-save sa kanyang cellphone.
Gaano ka katagal bago makagawa ng isang obra?
“Mabusisi eh, to nag umpisa ako kasi on and off eh. Ito ten years ko nang ginagawa. Oo, pero hindi ko naman araw-araw ginagawa. May mga araw na hindi ako nagpi-painting. Ayan ito’yung mga unang una,” sabay pakita niya sa isang pencil drawing niya.
Madetalye ito pero buhay na buhay ang mga andung imahe.
May nabenta ka na?
“Meron.... Pero sa ngayon hindi ako nagbebenta. Nagkataon naospital ako inalam ‘yung mga ginagawa ko. Kapag wala akong taping ano ‘yung pinagkakaabalahan ko. Tapos kung anong balak ko. Kagaya nun sinabi ko sa inyo nagpi-prepare ako ng mga painting ko para sa isang exhibit.”
Though nabanggit niyang nun ngang naospital siya last year, may bumili sa kanya, ‘yung nag-interview sa kanya.
Isang painting collector daw. At nahulaan nga naming si Julius Babao.
Sino bang mga artista ang tumulong sa kanya sa nasabing major operation?
“Dami! Si Coco nga ang pinaka-malaki tapos binigyan niya ako ng trabaho at pina-taping niya ako kahit hindi pa ako ganun kalakas, hindi pa ako fully recovered.”
Bago nagkasakit si Mang Pen, two years na siyang walang trabaho kaya nang magkasakit siya ay umapela ang kanyang anak na si Alex ng tulong.
Ibang klaseng Tanggol...
Samantala, ayon kay Coco, ibang klaseng Tanggol ang mapapanood ng viewers dahil itutuwid na niya ang kanyang buhay bilang isang anak, apo, at kaibigan kaya mas lalong kaabang-abang ang tatakbuhing kwento ng FPJ’s Batang Quiapo sa bagong kabanata nito umpisa ngayong gabi.
“Magsisimula na ang bagong yugto ng buhay ni Tanggol. Sa lahat ng kanyang mga natutunan sa kalye, sa Quiapo, at sa buhay, na-realize na niya na siguro panahon na para magkaroon din ng pagbabago sa kanyang buhay. Tingnan natin kung ano ang magiging bagong journey ni Tanggol,” sabi ng aktor sa isang media conference kamakailan.
Bukod dito, ipinangako rin niya na umaatikabong aksyon at sunud-sunod na rebelasyon ang sasalubong sa mga manonood dahil magtatagpo-tagpo na ang lahat ng mga karakter at maglalaban-laban na ang iba’t ibang grupo sa serye.
Todo rin ang pasasalamat nito sa mainit na suporta sa kanilang serye.
Samantala, nagsimulang mag-ikot sa iba’t ibang sulok sa Pilipinas ang ilang cast members ng Batang Quiapo para sa kanilang ‘Katok Buhay.’