Coco, kaunti na lang ang tulog
Mamayang gabi ay kaabang-abang ang FPJ’s Batang Quiapo dahil sa mga bagong karakter na papasok sa serye. Para sa bida at direktor nitong si Coco Martin ay talagang kailangang pakatutukan ng mga manonood ang mga mangyayari sa kanilang programa. “Ito ang pagtatagpo-tagpo ng lahat ng bawat character. Dito na kami magkikita-kita, dito na kami maglalaban-laban, ang bawat grupo. Kaya sabi ko nga, ‘yung May 8 episode talaga sinadya namin na buuin siya para pasabugin lahat ng mga characters ng bawat eksena. Two weeks tatakbo ‘yung plot from action to heavy drama. Malaking pasabog dahil ito na ‘yung pagtatagpo ng lahat ng characters,” pagbabahagi ni Coco.
Matatandaan na nitong Pebrero lamang nagsimula ang naturang teleserye. Mula noon ay kabi-kabilang papel na ang ginagampanan ni Coco bilang aktor, direktor at manunulat upang mas mapaganda pa lalo ang FPJ’s Batang Quiapo. “May tulog naman kahit konti pero kasi kailangan ko i-preview talaga ‘yung ipapalabas bukas para ma-monitor ko. Kasi ako ang bumubuo ng kwento eh. Para tama ‘yung pagkakatahi ng bawat karakter. May pondo pero konting-konti. Kasi gano’n naman kapag soap opera eh. ‘Pag oras na umere na ‘yan hindi mo na mapipigilan. Eh paano kung merong mga hindi mo inaasahang bagay na hindi kayo makapag-taping? Siyempre kakainin no’n ‘yung pondo,” paglalahad niya.
Malaki ang pasasalamat ni Coco sa lahat ng mga manonood na patuloy na tumatangkilik sa kanilang teleserye. Masayang-masaya ang aktor at direktor dahil kahit wala nang prangkisa ang ABS-CBN ay sinusuportahan pa rin mga mga tagahanga ang mga ginagawang proyekto. “Mas malakas pa siya kaysa sa Ang Probinsyano. Kasi no’ng pumasok ang Probinsyano noon, hindi naman kami umabot ng ganitong ratings no’ng nawala ‘yung prangkisa ng ABS-CBN. Ngayon kahit wala nang prangkisa, maganda ang ratings na binibigay ng show. Kaya nakakatuwa, tumaas nang tumaas lalo ‘yung views sa YouTube. Sobrang nagpapasalamat kaming lahat nang nagbubuo ng Batang Quiapo. Sa simula’t simula pa, kayo ang dahilan kung bakit naging maganda ang kinalabasan ng aming programa. Marami pa rin tayong mga kasamahan sa industriyang ito na kahit paano natutulungan para muling makabalik sa industriyang ito. Maraming-maraming salamat sa lahat ng mga tulong at pagmamahal n’yo sa amin,” pagtatapos ng actor-director.
Lyca, alam ang limitasyon sa jowa
Nagkakilala sa pamamagitan ng social media sina Lyca Gairanod at Kyle Walle. Ayon sa singer ay hindi niya inakalang sa TikTok makikilala ang kauna-unahan niyang kasintahan. “Kami po unexpected na doon kami mag-i-start sa TikTok. Kasi hindi naman namin alam ang mangyayari, hindi naming alam kung magiging kami. Ang galing kasi ang TikTok din po ang way na magkita at magka-develop-an kami,” nakangiting pahayag ni Lyca.
Nagpapabalik-balik sa Pilipinas at Amerika ang nobyo ng dalaga. Mas lumalim ang umano ang samahan nina Lyca at Kyle dahil sa pagcha-chat at video calls. Naipakilala na rin ng singer si Kyle mahigit isang taon na ang nakalilipas. “At least napaaga po na kahit malayo kami dapat ay iniintindi namin ang isa’t isa. Sobrang thankful po ako kasi this is my first time na magkaroon ng boyfriend. So talagang ‘Know your limits, suportahan ka namin.’ Hindi pa po na-stroke si Papa ay kilala na siya. Kaibigan ko pa lang siya noong naipakilala ko,” kwento ng singer. (Reports from JCC)
- Latest