Simula ngayong Linggo (May 7), bibigyang-boses ng beteranong mamamahayag na si Emil Sumangil ang mga inaapi at inaagrabyado sa multi-platform public service program ng GMA Public Affairs na Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso, ang kauna-unahang programa ng Public Affairs na sabayang mapapanood at mapakikinggan sa radyo, telebisyon, at online.
Layunin ng Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso na magbigay-daan upang pakinggan ang mga hinaing at reklamo ng publiko, ilantad ang mga maling gawain, at lapatan ng maagap na aksyon ang mga problema sa pamamagitan ng pagbibigay ng konkretong solusyon sa mga nararanasan ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa. Tampok din ang pagbulgar sa iba’t ibang krimen na nakaaapekto sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.
Bilang resident Action Man, ihahatid ng beteranong reporter ng GMA Integrated News na si ‘Mr. Exclusive’ Emil Sumangil ang bawat sumbong at reklamo at iba pang eksklusibong kwento.
Sasamahan niya ang mga ahensya ng pamahalaan na nagpapatupad ng batas upang ilantad at aksyunan ang mga ilegal at maling gawain.
Yup, mangunguna siya sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng bawat kuwento at susundan ang imbestigasyon hanggang maresolba ng mga hinaing at reklamo.
Sa panimulang episode ng Resibo, bibigyang-aksyon ang dalawang mahalagang kaso.
Sa Taguig City, pinag-aagawan ng dating magkasintahan ang dalawang taong gulang nilang anak. Sumbong ng inang si Jen, nagsimula ang kanyang kalbaryo nang pagbuhatan siya ng kamay ng dating kinakasamang si Jan.
Dahil dito, nakipaghiwalay si Jen bitbit ang kanyang anak. Pero itinakas ni Jan ang bata mula kay Jen.
Mahigit dalawang buwang nangulila si Jen sa kanyang anak. Agad nakipag-ugnayan ang Resibo sa Taguig City Social Welfare Development Office o CSWD para tugunan ang sumbong.
Maibalik kaya ang bata kay Jen?
Halos isang dekada namang nagtago sa kamay ng batas ang suspek sa pagpatay sa isang barangay tanod sa Sto. Tomas, Batangas. Ang suspek na kinilalang si Giovanni Mundin, itinuring na isa sa mga Most Wanted ng Region IV-A o CALABARZON.
Kamakailan, sa tulong ng Philippine National Police-Maritime Group ng National Capital Region, natiktikan ang suspek at agad ikinasa ng mga otoridad ang isang ‘entrapment’ o patibong.
Tuluyan na kayang mahulog sa patibong ng mga otoridad ang suspek?
Mapapanood ang Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso tuwing Linggo simula ngayong hapon, Mayo 7, 5 p.m. sa GMA at GTV.
Sabayan din itong mapakikinggan sa DZBB at Super Radyo sa Cebu, Davao, Iloilo, Palawan, General Santos at Kalibo, at may live streaming din sa GMA Public Affairs YouTube channel at social media accounts.