In all fairness, nagpakilig at nagpasabik ang unang episode ng pinakabagong digital na serye ng Puregold, Ang Lalaki sa Likod ng Profile, nang ipakita ang kakaibang chemistry sa tambalan nina Bryce (Wilbert Ross) at Angge (Yukii Takahashi) sa una nilang pagtatagpo.
At lalo pa raw matutuwa at ma-iinlove ang mga tagasubaybay sa ikalawang episode, habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lalo pang paglalim ng pagkakakilala nina Angge at Bryce sa isa’t isa.
Maging pang-tunay na buhay kaya ang digital na pag-usbong ng tambalan ng dalawa?
Makikialam kaya ang makulit na nanay ni Bryce na si Bessie (Marissa Sanchez)?
Opisyal na trailer pa lamang ng Ang Lalaki sa Likod ng Profile, lutang na lutang na ang pagkasabik ng mga netizen, dahil sa kapana-panabik na kuwento at mahusay na mga artista.
Ang unang episode na pinamagatang Hello From the Other Side, nakilala ng mga tagapanood si Bryce, habang pinalilipas niya ang oras bilang manlalaro ng video games, at ang kanyang nanay na si Bessie na kinukulit na siyang maghanap ng girlfriend.
Ipinasilip din ng unang episode ang buhay ni Angge, at ang pagsusumikap niyang gumaling mula sa sakit na Toxoplasmosis, isang impeksyon sa utak na nakaapekto sa kanyang pagkilos.
Kaya naman humakot ng napakaraming views sa opisyal na YouTube channel ng Puregold ang pag-iibigan nina Bryce at Angge.
Iba na talaga ang panahon.
Hindi na lang TV series ang inaabangan ng mga manonood, pati serye sa YouTube.