Andrei, ‘di na pinalitan sa Sparkle Teens
Bongga ang lagare ng GMA 7 bosses sa tatlong event ng network nung Martes, April 18.
Nagkaroong ng press event ang pelikulang pagsasamahan nina Alden Richards at Julia Montes na collaboration ng Conerstone sa GMA Films, sa ABS-CBN at pati sa production ni Alden na Myriad.
Mukhang interesting ang kuwento na pinamagatang Five Break-Ups and A Romance na sinulat at ididirek ni Irene Villamor.
Ang galing nga ni Alden. Naka-partner na niya ang bida ng Mara Clara, pagkatapos kay Kathryn Bernardo.
Paano na kaya ang matagal na nilang in-announce na pelikula nila ni Bea Alonzo? Waley na ‘yun?
Pagkatapos ng kina Alden, nandun na naman ang ibang GMA executives sa media launch ng bagong grupong Sparkle Teens.
Labingsiyam ang batang inilunsad nila, na dapat ay 20, pero dahil sa nangyari kay Andrei Sison, hindi na sila naghanap ng kapalit.
“Hindi na. Siguro irreplaceable naman din talaga si Andrei. So, okay na 19 na sila,” pakli ng AVP ng Sparkle na si Ms. Joy Marcelo.
Promising ang 19 na batang pinili na kinabibilangan nina Zyren dela Cruz, Josh Ford, Charlie Fleming, Princess Aliyah, Keisha Serna, Antonio Vinzon, John Clifford, Waynona Collings, Liana Mae, Naoimi Park, Aya Domingo, Gaea Mischa, Selina Griffin, Marco Masa, Lee Victor, Bryce Eusebio, Ashley Sarmiento, Aidan Veneracion, at James Graham.
Impressive ang dance number na ipinakita nila, pero may paandar agad ang tatlong magagaling kumanta na sina Princess Aliyah, Selina Griffin at Gaea Mischa. Talagang lumalaban sila sa biritan, at ang isa nga sa kanila na si Selina Griffin ay nakatakda pang lumaban sa Get The Beat Regionals na gaganapin sa Maybank Theater sa April 29 at 30.
Hindi lang kasi siya sa kantahan nag-i-excel kundi pati sa pagsasayaw ng ballet.
“Kapag naka-succeed po ako with all 10 entries, they will give me ang opportunity to compete sa World Finals in Bangkok, Thailand sa December,” pakli ni Selina.
Sabi ni Ms. Joy ng Sparkle, hindi naman daw sila hinahanapan ng project as a group, kundi kanya-kanya.
Kaya ‘yung tatlong kumanta na sina Princess, Selina at Gaea ay meron na raw silang participation sa All-Out Sundays.
May ilang members kagaya nina Bryce, James at Marco na bata pa lang ay nag-aartista na, nagkakaroon na sila ng teleserye.
“Siguro mga 8 of them na medyo hasa na, na magaling na umarte, na-cast na namin, ‘yun iba upcoming soaps. ‘Yung iba, hindi pa nag-start, pero nag-audition na sila, casted na sila,” dagdag ni Ms. Joy.
Ang iba sa kanila ay halos isang taon nang nagti-training, at ang iba naman ay nung nakapasok sila pagkatapos ng audition.
Bukod sa acting, dancing, singing, pati sa communications ay dumaan din sila sa training ng personality development.
Hindi na nila isinalang sa one-on-one interview si Josh Ford na kasama sa car accident na ikinasawi ng kasamahan nilang si Andrei Sison.
Sobrang traumatic pa raw sa bata ang malagim na aksidenteng ‘yun, at hindi pa siya handang pag-usapan ‘yun.
Costume ng mga bida ng V5 Legacy, P350k ang halaga!
Kinagabihan nung Martes ay dumagsa naman ang Kapuso stars sa premiere night ng Voltes V: Legacy na ginanap sa SM The Block.
Nakakatuwa si Andrea Torres nang makita ako na talagang hinawakan ako para maramdaman lang daw niyang nagkita na kami in the flesh.
Nandun din ang magkasintahang Jeric Gonzales at Rabiya Mateo, at halos lahat ng GMA executives ay sumuporta at naki-cinema experience din sa Voltes V: Legacy.
Impressive ang visual effects nito na dapat ay sa TV lang mapanood, pero ma-appreciate mo rin sa sinehan.
Pero ang talagang nakakamangha ay ang mga eksenang pagbu-volt in ng limang bida na sina Steve Armstrong (Miguel Tanfelix), Jamie Robinson (Ysabel Ortega), Mark Gordon (Radson Flores), Big Bert Armstrong (Matt Lozano) at si Little Jon Armstrong (Raphael Landicho).
Hindi napigilang maging emotional ang direktor nitong si Mark Reyes, dahil sa all-out na suporta ng GMA 7 sa malaking proyektong ito.
Inabot pa sila ng pandemya kaya sobrang hirap para sa kanila na makapag-lock-in taping na mahigit 200 ang production staff, at idagdag pa ang mga artista.
Pahayag ni direk Mark, “Madami nagsasabing gusto nating mag-improve. So eto na, ito ‘yung pruweba na ginastusan to, pinag-isipan, pinagtrabahuan, pinaghirapan. Eto na po. So that’s why, you cannot tell us not to do it. Kasi may mga usapan, bakit n’yo pa ginawa ‘yan? No! Kailangan nating gawin. If not us, who?
“You know, to see the level na kaya pala ng Philippines ang level ng ganitong artistry sa CGI or when it comes to the costume. You saw naman the flysuits no? Hindi naman tinipid.”
Hindi nga tinipid, dahil ‘yung costume pala na suot nina Miguel ay umabot ng P350K ang isa.
“350K! It’s a car! That’s how much the flysuits are!” bulalas ni direk Mark.
Madami nga raw ang nakabili in advance ng tickets, dahil excited sila sa cinematic experience ng Voltes V.
Pero magkakainteres kaya ang mga kabataan na panoorin ito at malaman ang kuwento ni Voltes V?
“I don’t know, there was a certain magic perhaps with the Voltes V that it has endured all these years, all these decades. Pero inherently, Voltes V is a story of family.
“It came from Japan, but it was very near to the heart of the Filipinos. Kasi ‘yun ang gusto natin e. ‘Yung nagtutulungan, ‘yung magkakapatid, ‘yung mga magkaaway sina Mark at si Steve. Tapos, magsasanib-puwersa, tapos ‘yung kalaban mo, hindi mo alam, kalahi mo, kadugo mo,” pahayag ni direk Mark Reyes.
Bukod sa limang bida na bumubuo sa Voltes V, nakakahalaga rin ng role na ginampanan dito nina Dennis Trillo, Carla Abellana, Max Collins, Gabby Eigenmann, Liezel Lopez, Martin del Rosario, at marami pa.
Showing na ngayon sa mga SM Cinemas ang Voltes V: Legacy na nilinaw naman ni direk Mark na hindi pa ito ang kabuuan ng naturang anime series.
- Latest