Suplay ng bigas, sapat kahit ‘di mag-import - DA
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa kahit hindi mag-angkat at may banta ng posibleng shortage dulot ng inaasahang epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon sa DA, ang ending stock ng palay para sa unang quarter ng taong 2023 ay 5.66 million metric tons na aabot ng 51 araw.
Ang naturang figure ay kapapalooban ng 3.12 million metric tons ng locally produced rice, 1.77 million MT ng bagong stock at 774,050.44 MT ng imported rice.
“We should sustain the rice needs of our country, which is pegged at 37,000 metric tons a day,” sabi ni DA Assistant Secretary Rex Estoperez.
Anya, inaasahang madaragdagan pa ang suplay ng bigas mula sa ani ng mga palay farmers mula Marso at Abril na maaaring magamit sa panahon na maapektuhan ang mga sakahan oras na magsimula ang El Niño.
Una nang kinansela ng DA at National Food Authority (NFA) ang pag-import ng 330,000 metric tons ng bigas dahil sa usapin ng legalidad.
Sinasabi ng Federation of Free Farmers (FFF) na iligal ang gagawin ng DA at NFA kung mag-iimport ng 330,000 MT ng bigas dahil ito ay labag sa probisyon ng Republic Act 11203 on the Rice Tariffication Law (RTL).
Pabor ang grupo na makakuha ang NFA ng buffer stock ng bigas mula sa inaning palay ng mga magsasaka sa ating bansa.
Nais din ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na maitaas ng NFA ang dami ng bibilhing bigas sa mga magsasaka upang maisabay ito sa presyo ng bigas ng mga rice traders.
Kaugnay nito, sinabi ni Agriculture Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations Mercedita Sombilla bukod sa ani mga bigas ng mga local farmers ay mayroon ding mga imported na bigas na papasok sa bansa na inangkat ng mga rice traders na makakatulong na makasapat para sa pangangailangan ng mamamayan sa darating pang mga buwan kahit pa may El Niño.
- Latest