Pelikula tungkol sa pag-asa at kapatawaran, bibida sa tanikala

Senior Moment
STAR/ File

Tampok sa pinakahihintay na Holy Week special sa CBN Asia na Tanikala ang mga pelikulang ginawa para sa telebisyon tungkol sa pag-asa at pagpapatawad. Mapapanood ang Senior Moment sa Maundy Thursday, April 6, at Kampihan sa Good Friday, April 7, 5:00 p.m. sa GMA.

Ang Senior Moment ay tungkol sa isang balikbayan couple na nagdesisyong magretiro sa hometown nila sa Batangas kung saan ikinagulat ng lahat nang tapusin nila ang ilang dekadang pagsasama. Tampok dito ang seasoned actors na sina Carla Martinez at Mari Kaimo bilang mag-asawang sina Pepe at Pilaring kasama rin sina Hutch Perales and Arcy Morfe.

Ayon kina Carla at Mari ay nakaramdam sila ng malalim na koneksyon sa ginagampanang karakter at umaasang ganun din ang mga manonood na may Senior Moment din.

Gaya ni Carla na nangyari raw talaga ang kuwento sa pagsasama nilang mag-asawa. Dumating daw ang panahong pakiramdam daw niya ay hindi na siya pinahahalagahan at ginusto niya na sanang tapusin ang kanilang pagsasama pero nagpasalamat siya sa Diyos na sinagip siya nito at ang pagsasama nila.

Samantala, muli namang mapapanood sina Barbara Miguel, Karen Atendido, at ang showbiz couple na sina Jan Marini at Gerard Pizzaras sa isang makabagbag-damdaming kuwento sa Kampihan.

Makakasama rin nila ang rising actors na sina Angel Guardian, Neo Rivera, Carlos Canlas, CJ de Guzman, at Ellene Cubelo na mga gaganap na grupo ng travel joiners na aksidenteng napadpad sa isang malayong nayon ng mga ma­ngingisda. Dahil sa pangyayaring ito ay maraming nadiskubre ang grupo tungkol sa pananampalataya, pamilya at layunin.

Ayon naman kay Gerard ay naka-relate raw siya kay Mang Fred dahil gaya nito ay ginagawa niya ang lahat ng makakaya para protektahan ang relas­yon sa kanyang mga anak. Habang ang asawang si Jan naman ay hindi nakikita ang sarili kay Nanay Anita pero pareho raw silang hands-on sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.

Ang Senior Moment ay mula sa direksyon ni John Valdes Tan at sa panulat ni Gina Marissa Tagasa, at ang Kampihan naman ay isinulat at idinirek ni Icko Gonzalez.

Umaasa si Direk Icko na mahikayat nilang manood ang viewers ng Senior Moment at mapagnilayan ng mga ito ang halaga ng pagsasama at magbigay-inspirasyon para mapagsumikapang mas patibayin ito. Sa Kampihan naman ay layunin nilang magbigay-inspirasyon na hanapin ang katuparang mahal tayo ng Dakilang MayLikha. Kaya naman inaanyayahan nila ang lahat sa paglalakbay na ito.

Show comments