Rey, namimigay ng mga sinulat na kanta
Sobrang tuwa ni Rey Valera, pagkatapos niyang mapanood ang kabuuan ng pelikulang Kahit Maputi na ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera na entry sa nalalapit na Summer Metro Manila Film Festival.
Sa rami ng mga kantang ginamit doon, biniro namin ang magaling na singer/songwriter na tiyak ang dami-dami na niyang datung ngayon mula sa rights ng mga kantang ginamit sa pelikula at pati sa series at iba pang projects noon pa.
Sabi ni Rey, ang laking realization sa kanya itong nangyaring COVID pandemic dahil dito nakikitang hindi natin tiyak ang bukas kung buhay pa ba tayo. Kaya mas mabuting habang buhay ka pa, pawang kabutihan na lang daw ang ipamamahagi mo.
Ang isang pinagkakaabalahan pala ngayon ni Rey ay ang ipinapatayo niyang recording company, pero hindi na raw niya iniisip na kikita siya rito.
Ang gusto lang niya ay magamit pa ang iba pang nilikha niyang awitin.
Sabi niya, “Kahit hindi ako kumita, magtatayo ako ngayon ng isang maliit na recording company.”
Ibibigay raw niya ang mga nagawa niyang kanta sa mga baguhang singer o kahit sa ibang tingin niya ay may karapatan na kantahin ang mga likha niyang awitin. “Nakita kita ngayon, gusto mo ng kantang ‘to, o! I-release natin, wala kang gastos, bahala ka sa buhay mo.
“Gagastusan ko to para sumikat, at para siya makilala,” pakli niya.
Isa sa binigyan niya ng kanta ay ang champion ng Sing Galing na si Mari Mar Tua.
Meron din daw siyang ginawang kanta para sa kanilang mga Hitmakers na sina Marco Sison, Hajji Alejandro at Nonoy Zuñiga.
“Gumawa kami ng isang kanta, sama-sama kami.
“Parang nasa stage na ako ngayon na… kung may naipon man ako, gagastusin ko to para sa mga kantang mga hindi ko pa nai-release.
“Kumita man ‘yan o hindi, I don’t care. Matanda na ako, lalo na ngayon may COVID, hindi mo na madadala ‘yan sa… alam mo na,” saad ni Rey Valera.
Nag-react...
Nag-react ang kampo ni Vice Governor Ejay Falcon sa isyung diumano’y ‘di pag-imbita sa kanyang kasal ng discoverer-mentor na si Benjie Alipio.
Isa kasi sa nag-react ay si Manay Lolit Solis na agad lumabas sa kanyang column at social media account kaya nataranta ang ilang taong malapit sa Vice Governor ng Pola, Oriental Mindoro.
Naloka rin si Benjie na ang daming reporters na nagtawagan sa kanya, at pati kapwa managers ay nag-message sa kanya.
Malaking bagay ang utang na loob sa showbiz, lalo na itong kaso ni Ejay na alam naman ng lahat kung anong hirap ni Benjie magmula nang ipinasok niya ito sa PBB hanggang sa nanalo.
Naalala ko pa noon kung paano purihin ni Benjie si Ejay na kahit hindi na siya ang nagha-handle at nagri-represent sa actor/politician, hindi raw ito nakalimot na mag-abot ng ilang bahagi ng komisyon at ibinigay pa ang dati niyang kotse.
Mas ‘yun daw ang pinahahalagahan niya at isinasantabi na lang kung meron ba siyang tampo sa dating alaga.
Kaya okay na raw ‘yun, dahil inimbita naman daw siya ni Ejay, pero mas pinili niyang huwag na lang dumalo.
Ipinorward sa akin ni Ejay ang chat nila ni Benjie na inimbita niya ito sa kanyang kasal pero hindi na sumagot si Benjie.
Ang paliwanag ni Ejay sa akin, mini-message raw niya muna ang lahat na mga gustong imbitahin at saka siya nagpapadala ng formal invitation kapag nag-confirm dahil naka-base pa siya sa Pola, Oriental Mindoro at may hinaharap pa silang problema sa oil spill.
Sabi naman ni Benjie, huwag nang gawing big deal ang isyung ‘di pag-invite dahil naimbitahan naman daw talaga siya.
Bawal judgmental sabi nga ng Eat Bulaga. Kaya hindi naman natin alam kung ano talaga ang namagitan kina Ejay at ang dati niyang manager.
Ang aktor daw ang sobrang apektado dahil nagagamit daw ang isyung ito ng mga kalaban sa pulitika.
Nairaos na nila ang kasal nila ni Jana, at kahit wala pang honeymoon, kaagad na siyang bumalik ng Pola, para magtrabaho.
- Latest