Boyet, makikialam sa pelikula nila ni Ate Vi
Sinabi ni Ate Vi (Vilma Santos) na aalis nga sila ng March para gawin ang isang pelikula sa Japan, na katambal si Christopher de Leon. Pero hindi sila natuloy dahil may problema sa ilang permit sa Japan, at ngayon lang naayos.
Gusto naman kasi nila talagang planado ang lahat dahil doon nila tatapusin ang shooting. At saka pelikula iyan hindi kagaya noong araw na ang kinukunan lang sa abroad ay ilang exterior shots na puwede mo nang dayain at sabihing gumagawa ka lang ng home movie.
Pero ang When I Met You in Tokyo, legit ang magiging shooting.
Malaki ang project. Kung iisipin mo, iyan na bale ang ika-25 pelikulang pagtatambalan ni Ate Vi at Boyet, at kung natatandaan pa ninyo, ang lahat ng pelikula ay kabilang sa mga box office hits. Classic films na rin ang karamihan doon.
Sa natatandaan nilang dalawa, sila yata ang may pinakamaraming napagtambalang pelikula sa kabuuan ng career nila. Sila lang ang talagang laging pinagsasama nang paulit-ulit. Kaya maingat sila sa tambalan nila.
Si Boyet ay tutulong din daw sa pagdidirek ng pelikula. First time na makikialam ng aktor sa kanyang ginagawang pelikula pero hindi mo rin naman matatawaran ang kanyang expertise dahil sa tagal na rin naman niya sa industriya.
Bale ito ang comeback movie ni Ate Vi after six years.
Ang huli niyang ginawa ay ang itinuturing na ring isang klasiko, Everything About Her.
Kung hindi kami nagkakamali, dalawang dekada na rin ang nakaraan nang huli silang magkatambal ni Boyet sa festival movie na Mano Po III, My Love - sa Metro Manila Film Festival noong 2004. Kaya napakalaking challenge kung ang pelikulang ito ay kikita sa takilya.
“Alam mo hindi na namin hinahabol ang ganyan. Ang gusto ko ngayon ay gumawa ng mga pelikulang magiging bahagi talaga ng isang legacy. Iyong pelikulang magugustuhan ng mga tao. Kung sa bagay, papaano mo nga ba masasabing nagustuhan nila kundi dahil sa resulta rin sa takilya. What I mean is hindi na tayo nakikipagpalakihan pa ng kita. Ang gusto lang natin makagawa ng isang hit para umangat naman ang industriya.
“Kasi from what I heard hindi pa rin gaanong nakakabalik ang pelikulang Pilipino. Iyon ang talagang gusto kong pagtulung-tulungan ng lahat. After this gagawin ko naman iyong kay direk Erik Matti. Ibang genre naman ng pelikula iyon. Kailangan ganoon eh para malaman natin ano ba ang gusto ng mga tao ngayon after the pandemic.
“Ang iniisip ko ngayon hindi na personal career eh. Ang iniiisip ko is how to help the industry bounce back. Malaki ang utang na loob ko sa industriya and now is pay back time,” sabi ni Ate Vi.
Bukas pa lamang pipirma ng kanilang kontrata para sa When I Met You in Tokyo sina Ate Vi at Boyet, although they have both agreed earlier to do the film.
- Latest