Ang ganda ni Jana Roxas na suot ang wedding gown na gawa ni Mak Tumang sa pag-iisang dibdib nila ni Vice Governor Ejay Falcon nung nakaraang Sabado, March 25.
Ginanap ang garden wedding sa Enderun Tent sa McKinley Hill, Taguig City, na kung saan dagsa ang mga taga-showbiz at pulitika na dumalo.
Produkto si Ejay ng PBB Teen Edition Plus at si Jana naman ay sa StarStruck Batch 3.
Ilan sa mga pulitikong principal sponsors ay sina Sens. Bong Go, Sherwin Gatchalian, Governor Bonz Dolor at Senate President Miguel Zubiri.
Isa sa kinuha ring ninong ay ang kasamahan namin dati sa Startalk at direktor ng Fast Talk With Boy Abunda na si Rommel Gacho, pero hindi siya nakadalo.
Ilan naman sa mga ninang na taga-showbiz ay sina Lorna Tolentino, Sylvia Sanchez, kasama ang ninong ding si Art Atayde at ang CEO ng Beautederm na si Ms. Rhea Tan.
Ilan sa mga kasama rin sa entourage ay sina Jackie Rice, Aljur Abrenica, Jake Cuenca at Joseph Marco.
May ilan kaming kaibigang malaki ang naging bahagi sa buhay at career ni Ejay, na hindi nakadalo sa naturang selebrasyon.
Invited naman daw si Perry Lansigan na naging manager din ni Ejay, pero hindi siya nakarating.
Ang naka-discover at nagdala kay Ejay sa PBB na si Benjie Alipio ay wala rin. Hindi niya kami sinagot kung imbitado na ba siya, pagkatapos niyang mag-emote sa Facebook na siya na lang daw ang hindi naimbitahan.
Ewan ko lang kung napadalhan siya ng imbitasyon dahil hindi na siya sumagot sa tanong namin.
Pero sa totoo lang, deserve naman ni Benjie na maging bahagi ng entourage.
Walang kapalit, love story ng bading ang pinagmulan
Mapapasabay ka sa pagkanta habang pinapanood ang pelikulang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera.
Sa premiere night nito na ginanap sa Gateway Cinema, nagpapalakpakan ang mga manonood kapag kinakanta ang mga paborito nilang Rey Valera songs kagaya nitong Kahit Maputi Na ang Buhok Ko, Walang Kapalit, Ako Si Superman, Maging Sino Ka Man, Malayo Pa Ang Umaga, Pangako Sa Yo, at iba pa niyang hit songs.
Iba ang style ni direk Joven Tan sa biopic na ito ni Rey Valera na maituturing mo nang henyo sa musika.
Star-studded pa ang naturang pelikula na may ginampanang role sa kuwento ng bawat kanta nito.
Mabigat ang kuwento, pero nagiging light na lang ang dating dahil sa magagandang kanta ni Rey. Kaya mas maganda siguro kung ilagay na nila sa screen ang lyrics ng kanta para masasabayan mo ng kanta habang pinapanood mo ito.
Pero sa totoo lang, halos lahat naman tayo ay kabisado ang karamihan sa mga kanta ni Rey Valera.
Nagulat lang kami sa kuwento ni Rey na ang kanta palang Walang Kapalit ay hango sa kuwento ng isang bading.
Ni-request daw ng namayapang komedyanteng si Ike Lozada na kung puwedeng gumawa raw ng kanta para sa mga bading, na ang inaalay na pagmamahal sa lalaking iniibig ay walang kapalit.
Ginampanan ni Gardo ang role ng isang bading na mahal ang alagang nag-aartistang si Aljur Abrenica.
Kinaaliwan ng mga bading ang tagpong ‘yun dahil parehong nag-Machete ang dalawang machong sina Gardo at Aljur.
Puring-puri ni Rey ang obrang ito ni direk Joven Tan. Aniya, “Thank you so much at napaka-intellectual ng movie na ito.
“Pag-uwi ko, saka ko na-realize ang hirap na ginawa mo para balansehin lahat. Hindi isang maliit na bagay. Hindi madali. Kaya dun ko na-appreciate lahat ‘yun.”
Itong Kahit Maputi ang Buhok ko ang isa sa aabangan natin sa Summer Metro Manila Film Festival na magsisimula sa April 8 hanggang 18.