Oil spill sa Mindoro, inaalok gawan ng dokyu

Ina Alegre

Malungkot at namamalat na ang dating sexy star now na si Ina Alegre now Mayor Jennifer Cruz nang makapana­yam namin sa DZRH nung nakaraang Biyernes.

Ang dami na raw nilang nagkakasakit doon dahil sa sobrang lakas ng amoy ng tumagas na oil sa barkong lumubog sa Oriental Mindoro.

Sobrang nag-aalala na siya sa kanyang mga kababayan sa Pola, Oriental Mindoro. “Pahirap nang pahirap, kasi patagal nang patagal,” hinaing niya.

“Mas nararamdaman ko na ngayon, kasi wala na kaming trabaho. Ako nararamdaman ko, kasi hindi ako makakain ng karne. Walang isda e. Siyempre ang mga tao nararamdaman mo na wala na talaga silang trabaho. Kawawa talaga,” dagdag niyang pahayag.

Nagpapasalamat siya sa lahat na mga ahensya ng gobyerno na nagparating ng tulong, lalo na kay President Bongbong Marcos.

Pero sobrang tuwa niya at nagpapasalamat kay Sen. Bong Revilla dahil ito raw ang kauna-unahang mambabatas na pumunta para kumustahin sila at nagpaabot din ng tulong.

Isa pa sa tumawag sa kanya para kumustahin ang mga taga-Pola ay si direk Brillante Mendoza.

Paborito ni direk Brillante ang kanyang nasasakupan, at ilang pelikula na ang nai-shoot nila roon. Meron din siyang ginawa roon kasama sina Coco Martin at Julia Montes.

At pinanghihinayangan ngayon ito ni Mayor Ina dahil naging ‘shooting capital of Oriental Mindoro’ na raw ang Pola at napu-promote na ang kanilang bayan kaya tumataas na ang turismo.

Pero pwede naman daw sa ibang lugar.

“’Pag dagat, bawal. Pero ‘yung ibang lugar, may old houses, may mga falls, may lawa. Sana ‘yun na lang para kumita naman kami,” pakiusap ni Mayor Ina.

Bukas din si Mayora sa posibilidad na isapelikula o gawan ng documentary ang nangyari sa Pola at sa ilang bayang apektado ng oil spill.

Maganda rin daw ‘yun para maipakita sa taumbayan kung ano ang epekto ng trahedyang ito sa isang lugar.

“Nung lumubog ‘yung barko, ano na ‘yung mangyari sa nasirang kalikasan. Awareness na rin ito,” pagbibigay pa niya ng idea.

Rayver, may pinaghahandaan

Mataas ang rating ng Fast Talk With Boy Abunda nung nakaraang Huwebes na kung saan nakapana­yam ni Kuya Boy ang magkasintahang Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.

Ang sweet nilang dalawa at napaka-vocal ni Rayver para ma-express ang pagmamahal niya kay Julie Anne.

Sinasabi ni Rayver na si Julie Anne ang gusto niyang makasama sa kanyang future.

Sabi ni Rayver, “Siya ‘yung nag-iisang babae sa buhay ko ngayon… Mahal ko po si Julie.

“’Yun po ‘yung tawag ko talaga kay Julie, as in. Parang nahihirapan po ako kapag hindi ko sinasabi na ‘love’ o ‘mahal.’

“Gusto ko lang din sabihin sa ‘yo (Julie Anne) na, this is it.

“Hindi mo man alam, pero… I’m getting ready. Kasi ikaw na talaga ‘yung nakikita ko na makakasama ko habang buhay.”

Naka-6.2 percent ang rating ng episode na ‘yun sa FTWBA. Kaya nakikita namang tanggap sila ng mga tao.

Show comments