Nancy Mcdonie, bumitaw na kay James!

Nancy McDonie

Sa kanyang social media post, inamin ni James Reid na ngayon ay masayang-masaya siya sa kanyang buhay, at marami ang naniniwala na dahil iyon sa sinasabing relasyon niya sa starlet na si Issa Pressman.

Wala namang mawawala, sabi ng ilang kritiko, dahil pareho naman silang wala pang pinupuntahan ang career sa ngayon, kaya malaya nilang magagawa kung ano man ang gusto nilang buhay.

Bumagsak na rin naman ang dating popularidad ni James, na tumaas lang naman noong nasa pangangalaga pa siya ng Viva at nakakatambal pa ang dati rin niyang naging live-in partner na si Nadine Lustre.

Maging ang sinasabing magiging leading lady niya noon na si Nancy McDonie ay wala na ring interest sa kanilang team-up at in-unfollow na si James sa social media.

Na-cancel din naman ang balak sanang concert tour ni James sa ilang lugar sa US at Canada dahil diumano sa mababang ticket sales.

Si Issa naman, talagang wala pang galaw sa kanyang career kaya wala pang dapat isiping mawawala sa kanya kung mag-on man sila ni James.

PLDT at Sky Cable, magsasama na

Maugong na naman ang balita na bibilhin na ng PLDT ang Sky Cable para mas lalo pang mapalawak at mapagbuti ang serbisyo ng dalawang magkaibang kumpanya.

Sinasabing kung pagsasamahin ang dalawa, maibibigay ang mas mabuting serbisyo at ang makikinabang ay ang consumers.

Marami na rin naman kasing reklamo sa Sky Cable, lalo na matapos na masara ang kanilang mother company, ang ABS-CBN.

Sinasabi ring kung matutuloy ang deal na nagkakahalaga ng 6.75 bilyon, magagamit iyon ng ABS-CBN para sa kanilang mga obligasyon kabilang na ang retirement benefits ng kanilang mga tauhan.

Sa ngayon, halos sakto lang ang kinikita ABS-CBN sa pagiging content producer.

Sa panibagong deal ng PLDT at Sky, sinasabi ring isasara na ng Sky Cable ang kanilang paid TV services, pero gagawin lang nila iyon matapos na mailagay sa ayos ang kanilang subscri­bers.

Kung kayo ay subscriber pa rin ng Sky Cable kagaya namin, siguro nararanasan din ninyo iyong bigla na lang nawawala ang signal sa TV habang nanonood kayo, at ang reklamo napakatagal ng kanilang repair.

Nauna rito, nagkaroon na rin naman sila ng deal, kung saan makakakuha ng bahagi ng TV5 ang ABS-CBN, at ite-take over din naman ng Cignal ang Sky Cable, pero nagkaroon iyon ng problema.

Ngayon naman, gaya ng sinasabi ng ilang executives ng ABS-CBN, hindi na sila nag-o-operate bilang isang network kundi content producer na lang.

Baguhang aktor, sumisingaw ang mga kahalayan

Kung kailan naman sinasabing interesado na ang isang director na tulungan ang isang baguhang male star, at saka naman sumisingaw ang kanyang scandal photos at videos na ginawa niya noong araw.

Ginawa raw naman niya iyon noon bilang bahagi ng kanyang “sideline.” Wala kasi siyang pinagkakakitaan kaya suma-sideline siya sa mga bading na kinunan naman siya ng pictures at video rin.

Kung sisingaw nga iyan, wala na ring mangyayari sa career niya.

Show comments