Donny, late nag-celebrate ng birthday
Noong February 10 ay ipinagdiwang ni Donny Pangilinan ang kanyang ika-25 kaarawan.
Naging abala ang aktor nitong mga nakaraang araw kaya noong Linggo lamang nagkaroon ng selebrasyon sa ASAP Natin ‘To. “Of course, I want to thank my ASAP family for spending my birthday with me kahit medyo late na. Okay lang kasi feel na feel ko pa rin ‘yung love, obviously from the very start ‘yung support n’yo towards me. Kaya maraming salamat. ABS-CBN, I love you, too. And to all my friends here, to you guys, thank you so much,” nakangiting pahayag ni Donny.
Masayang-masaya ang aktor dahil napapanood na ngayon sa Netflix ang pelikulang An Inconvenient Love na pinagbibidahan nila ni Belle Mariano.
Matatandaang ipinalabas sa mga sinehan ang naturang proyekto noong Nobyembre lamang. “Siguro ‘yon na ‘yung pinaka-birthday gift ko, that you guys just enjoyed the movie and nag-top 10 siya sa streaming platform sa buong mundo. You just enjoyed it. You guys loved it. We saw your reaction videos. I am just so happy na we get to spread stories to everyone and of course on behalf of Belle, thank you rin. Sobrang proud din siya. Part din siya ng journey ko talaga,” paglalahad ng binata.
Ruru, hindi napagod nang walong buwan ulit ligawan si Bianca
Kamakailan ay naging panauhin namin sa Fast Talk with Boy Abunda si Ruru Madrid. Matatandaang pansamantalang nagkahiwalay ang aktor at ang kasintahang si Bianca Umali noon. Muli sinuyo ni Ruru ang aktres kaya kinalaunan ay nagkabalikan ang dalawa. “I did everything para maging okay ‘yung relationship naming dalawa. Kasi alam ko sa sarili ko na ‘pag kasama ko siya, I’m at my best. ‘Pag di ko siya kasama, pakiramdam ko I’m lost,” makahulugang pahayag ni Ruru.
Para sa aktor ay hindi naging madali ang walong buwan na nagkahiwalay sila ni Bianca. “Siya ‘yung nagbibigay ng liwanag, ng daan sa akin, pero nasaktan ko ‘yung babaeng ‘yon. Sinabi ko sa sarili ko na kahit eight months ako na nanligaw sa kanya ulit, hindi ako mapapagod na sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano siya kaimportante sa akin,” giit niya.
Si Gabbi Garcia ang unang naging kasintahan ni Ruru bago nakarelasyon si Bianca.
Sobrang bata pa raw ng dating magkasintahan noon kaya hindi rin nagtagal ang kanilang relasyon. “Isa lang naman ang naging girlfriend ko before Bianca, si Gabbi lang talaga. And no’ng naging kami sobrang bata pa po namin. Gabbi is 15, ako po 16. Somehow malaking factor na magkatrabaho po kami, loveteam po kami. Kailangan lagi kaming makita na sweet sa isa’t isa. Do’n namin na-discover na in love kami. Nadala kami sa moment, hindi pa rin gano’n kalawak ‘yung kaalaman ko (noon) when it comes to love,” pagtatapat ng aktor.
(Reports from JCC)
- Latest