Matagal na naming alam na may isang dating executive ang Eat Bulaga na kinausap para bumalik ni Cong. Romy Jalosjos, at mukha ngang babalik na siya dahil ang tawag sa kanya ay “partner” na.
Siya rin ang nagsabi na sasabihin niya kay Jalosjos na kung may balak ngang rebranding ng show, hindi dapat mapalitan ang TVJ (Tito, Vic Sotto at Joey de Leon) na naging bahagi na ng show sa loob ng 44 na taon.
Wala naman daw talagang problema ang tatlo sa show maliban doon sa bihira na nga silang sumipot sa programa noon, dahil binawalan naman silang lumabas sa panahon ng pandemic. Hindi naman nila ikinakaila na “senior citizens” na sila, at kung makikita pa silang lumalabas sa studio, hindi lamang nila inilalagay ang sarili nila sa risk, kundi tuwirang paglabag pa iyon sa utos ng IATF noon na papayagan lang lumabas ang isang sernior citizen sa bahay kung talagang kailangan.
Nang medyo lumuwag na, hindi pa rin sila lubusang nakakabalik sa kanilang live telecast, siguro naman tinatantiya pa nila ang talagang sitwasyon. Pero kung napansin ninyo lately, madalas nang live sina Vic Sotto at Joey de Leon sa show.
Sa parte naman daw ng mga Jalosjos, hindi talaga nila balak alisin ang TVJ, kumbaga naghahanda lang sila kung sakaling mag-retire na rin ang mga iyon.
Ayaw rin daw naman nilang mabigla ang show. Saka wala namang nagsabing aalisin ang TVJ. Pero hindi rin naman maikakaila na masyado na silang marami sa show, at totoo namang may personalities na mukhang hindi na kailangan sa programa.
Mas mabibigyan ng exposure iyong hosts na dapat nandoon kung magbabawas nga sila.
Ayon sa aming source, walang mangyayaring pagbabago hanggang sa umabot sila ng “at least 45 years. Maliban sa management ng kumpanya na nangyari na.”
Voltes V, ipapalabas muna sa mga sinehan?!
Nawala na naman ang balita tungkol sa Voltes V: Legacy.
Uminit na ulit, kung saan-saang probinsiya pa sila nag-promote, bakit kaya parang hindi na naman napag-usapan?
May sinasabi pa silang maglalabas ng ilang premiere episodes sa mga sinehan bago sa TV.
Walang dudang promo move lang iyan. Gusto nilang ipakita na malakas pa ang following ng kanilang anime. Kasi nga may inilabas na pelikula ng Slam Dunk na tumagal din naman sa mga sinehan.
Pero malaking risk din iyan, papaano kung walang pumasok sa sinehan after all inaasahan na nilang ilalabas din agad iyan sa TV?
Gusto naming mapanood iyan sa malaking screen kung saan mas makikita mo ang opticals nila.
Anyway, marami pa rin sa palagay namin ang naghihintay sa Voltes V, isipin ninyo ‘70s pa nang sumikat iyan nang husto at bigla ring natigil.
Dating supporting actor, pinagsisihan ang mga naging raket
May nakausap kaming isang dating supporting actor. Marami rin naman siyang nagawang pelikula, at may hitsura rin naman siya talaga noong panahon niya.
Siguro nga lang, hindi siya masyadong sumikat dahil iba rin ang kanyang image dahil sa “hindi naman maitagong relasyon sa kanyang manager.”
Dumating ang panahon na nagkahiwalay rin sila ng manager niya, at lalo ngang nawala ang kanyang career. Inamin niya na iyon ang panahong naloko rin siya sa sugal, at dahil doon “nabatak din siya sa mga sideline.”
May nakilala raw siyang isang baklang pimp na maintainer din ng isang bar noon sa may Ermita, at “iyon ang kanyang naging booker.”
Pinagsisihan na raw niya ang lahat nang iyon at talagang hinding-hindi na niya babalikan pa.