Yassi, nagsalita sa pagkaudlot ng serye sa GMA!

Yassi

Hindi naiwasang pag-usapan sa presscon ng bagong sitcom ng TV5 na Kurdapya ang isyu ng naudlot na drama series na collaboration dapat ng GMA 7 at Viva Entertainment.

Ang dami pa rin kasing curious kung matutuloy pa ba ang Saan Nagtatago Ang Pag-ibig na gagawin dapat sa Kapuso network nina Yassi Pressman at Marco Gumabao.

Sabi naman ng taga-GMA, may mga pag-uusap pa raw. Kaya hindi pa nila masabing na-shelve na ‘yun. Kaya umaasa pa rin sina Yassi at Marco na sana ay matuloy ito.

Balak pa naman sanang dalawin ni Yassi si Vilma Santos para humingi ng basbas sa original na gumanap ng naturang pelikula.

“It’s an honor po to be blessed with the role like that, lalong-lalo na po to play Ate Vi. Hindi ko po in-announce publicly po, kasi gusto ko po sana maging tuluy-tuloy na po talaga,” pakli ni Yassi sa mediacon ng Kurdapya na ginanap sa TV5.

Nabasa raw niya ‘yung nasulat natin na natuwa si Ate Vi na ipinagkatiwala ito kay Yassi. “Nung nakita ko po ‘yung article po, sobra po akong kinilig. Gusto ko nga po sana siyang bisitahin. Siguro po ‘pag matuloy na,” dagdag niyang pahayag.

Ganundin pala si Marco. Ang original ng role na ibinigay sa kanya ay si Ricky Davao ang gumanap, at nagpadala raw siya ng mensahe sa Instagram account ni direk Ricky, pero baka hindi raw nito nabasa.

Ani Marco, “I reached out to him, but I don’t think nakita n’ya ‘yung message ko, kasi hindi nga kami magka-follow sa Instagram. I talked to Jake Cuenca kasi ka-close niya yata si Jake, and I told him about it na gusto ko siyang kausapin or gusto ko lang makausap si Sir Ricky Davao. But ‘yun nga, naudlot ‘yung project, so hindi ko na rin na-push.

“So, given a chance na matuloy ‘yung project, I would definitely ano… take the chance to talk to him.”

Kaya naka-focus daw muna sila ngayon sa promo ng  Kurdapya na magsisimula na sa March 18 sa TV5, 6 ng gabi, at may catch-up airings din sa Sari-Sari Channel ng Linggo 8 ng gabi.

Kasama rin nila rito sina Nikko Natividad at Ryza Cenon na kontrabida na naman ang ginagampanan.

Ryza, ‘di pa handang pakasal

Doon pa rin sa mediacon ng Kurdapya, nakatsikahan naman namin si Ryza na kahit sitcom ang ginagawa nila, seryoso naman ang pinag-usapan namin.

Ibinahagi sa amin ni Ryza na dumaan pala siya sa postpartum depression pagkatapos niyang manganak sa baby boy nilang si Night.

Nataon pa kasing pandemic at naka-lockdown nung panahong ‘yun, at hindi siya nasasanay na nasa bahay lang siya na nag-aalaga sa kanyang anak. “Siyempre, mag-isa lang po ako sa bahay. Na-box po ako sa bahay, kasama ko ‘yung anak ko.

“Ang dami ko pong bad na naiisip, ganyan. So, nilabanan ko po talaga ‘yun. Thankfully po binigyan po ako ng Viva na para maano po ‘yung atensyon ko sa iba, hindi ko maisip ‘yun,” pakli ni Ryza.

Nasa lock-in na taping daw ang partner niyang si Miguel Antonio Cruz, kaya hindi raw niya ito nakakasama. “Ang ginawa ko, siyempre nagpi-pray ako. Kinakausap ko lagi si Lord. Parang… everytime po talaga na napalubog ako na hinihila ako pababa, lagi kong kinakapitan si Lord. Kasi, hindi lang naman po ito sng first time na na-depress ako.

“So, may mga times nung before pa ako nabuntis, meron din akong series na depression e. So, lagi po talagang Siya ang tinatakbuhan ko, ang kuya ko, tinatakbuhan ko siya,” dagdag niyang pahayag.

Okay na raw siya ngayon, tuluy-tuloy na ang trabaho niya, at isa na nga rito itong Kurdapya.

Inaasikaso pa raw nila ang ipinapatayo nilang bahay, para malipatan na nila ito.

Wala pa raw muna sa plano nilang magpakasal.

“Wala pa po. Hindi po namin ‘yan priority. Kasi, for me po, naniniwala ako na kailangan muna namin magtayo ng foundation sa relationship namin, sa family namin, para mas tumibay po kesa ‘yung bigla bigla na lang kami magdesisyon na magpakasal, tapos ending maghiwalay din,” saad ni Ryza.

Siya raw kasi mismo ay hindi pa rin handa, kaya mas mabuting mag-focus daw muna sila sa kanilang anak. “Ako po ‘yung actually nagsasabi na hindi pa ako ready na magpakasal.

“I’m more on ‘yun nga, hindi kailangan… kasi ang dami kong nakita din naman, ‘yung ibang friends na magpakasal, tapos naghihiwalay bigla. Tapos, ang dami ko rin pong nababasa na ganun ‘yung ano, nagiging scenario nila.

“Parang… kung hindi ka sure, huwag mo munang pasukin ‘yung mga ganung level na magpapakasal ka na hindi ka naman pala sure pa dun. Bakit ka magpapakasal? Magsasayang kayo ng pera sa kasal, tapos mag-annulment kayo, magsasayang na naman kayo ng pera ‘di ba? So for me, kinausap ko siya, I’m not ready,” mahaba pang paliwanag ni Ryza Cenon.

Show comments