Coco, nakipagrakrakan sa panagbenga

Coco Martin
STAR/File

Sinalubong ng napakaraming fans ang Primetime King na si Coco Martin, kasama ang iba pang cast members ng FPJ’s Batang Quiapo, sa Panagbenga Kapamilya Karavan sa Baguio City noong Marso 4 (Sabado).

Nakipagrakrakan si Coco sa libu-libong tagahanga na nagtipon sa paligid ng Burnham Park nang kantahin niya ang Beep Beep ng Juan De La Cruz band, suot ang signature nitong porma na leather jacket at shades.

Kasama ng lead star ang iba pang mga cast member na sina Smugglaz, Bassilyo, Norvin at Lovely Dela Pena, Ghost Wrecker, Ryan Martin, Jojit Lorenzo, Ronwaldo Martin, Sugar Ray Mammoth, Bigmak, Baby Giant, at Sen. Lito Lapid na nagpasaya sa mga tao sa kanilang nakakatuwang mga sorpresa at pagtatanghal.

Umawit rin para sa mga manonood ang dalawang ABS-CBN Star Music artists na sina Carlo Bautista and Trisha Denise bago ang pangunahing event sa programa.

Ang FPJ’s Batang Quiapo, sa pangunguna ni Coco bilang Tanggol at Lovi Poe bilang Mokang, ay umere noong Peb. 13.

Maganda ang naging pagtanggap ng mga manonood sa serye dahil nakakuha ito ng 44 milyong views sa unang linggo ng pagpapalabas.

Mapapanood ang FPJ’s Batang Quiapo sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, TFC IPTV, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

Show comments