Ate Vi, inaming nagiging pakialamera

Vilma
STAR/ File

Ang Archdiocese of Lipa ang siyang naging host ng pagtitipon ng mga pari, at mga lolo at lola. Sa kanilang ginawang forum, naging speaker nila si Archbishop Gilbert Garcera DD, at si Rev. Fr. Dale Anthony Barretto Kho na siyang namamahala ng kanilang family life ministry, at sino nga ba ang lolang pipiliin nilang magsalita sa pagtitipong iyon, eh di ang kanilang dating mayor, gobernador at congresswoman ng Lipa na isa na ring bagong lola, si Vilma Santos-Recto.

Ikinatuwa naman ni Ate Vi ang imbitasyon at dahil marami na rin naman siyang naibigay na interview sa pagiging lola, sabi niya magandang pagkakataon iyan para ang kanyang karanasan ay maibahagi naman sa mga ibang tao sa pamamagitan ng forum na iyon. Dinaluhan iyon ng mga pari at mga layko mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Ang nakatawag sa aming pansin ay ang sinabi niyang ang pagiging lolo o lola ay wala sa edad, kundi nasa pagtanggap mo ng responsibilidad, o ng iyong tungkulin bilang lolo o lola. Karaniwan naman iyon sa mga Pilipino, ang lolo at lola ay kaagapay pa rin ng mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang apo, lalo na nga sa pananalig ng mga iyon sa Diyos.

Inaamin naman ni Ate Vi, ang mga lolo at lola kung minsan, dahil sa kanilang pana­nabik sa pag-aalaga ng mga bata ay napapakialaman pati ang role ng mga magulang ng bata, na sinasabi niyang hindi tama. Pero natatawa rin siya sa pagsasabing hindi siya nakatitiyak kung mangyayari rin ang ganoon sa kanya.

Hindi maitago ni Ate Vi ang kanyang pagmamahal sa kanyang “napakagandang apo,” na sinasabi nga niyang pinananabikan na niyang lumaki para mabihisan niya, siya ang mag-ayos at turuan ding umarte. “Makikita mo artistang-artista siya kung magpo-po­sing,” sabi niya. Pero sinasabi naman niya na hindi siya magiging spoiler na lola.

EB, pinanghihinayangan?!

Nang isa-isahin ni Tito Sotto ang nagawa ng kanilang comedy team para sa kanilang programang Eat Bulaga, parang sinasabi niyang walang makakaangkin sa kanilang show. Matapos na kantahin ang theme song ng show, sinabi niyang ang gumawa ng awitin na hanggang ngayon ay theme song ng Eat Bulaga ay si Vic Sotto. Sinabi rin niyang ang nakaisip naman ng titulong Eat Bulaga ay si Joey de Leon. Binalikan siya ng tanong ni Joey kung ano ang ginawa niya, “ako ang manager,” sabi ni Tito Sen.

Iyang TVJ, sila na ang nasa Eat Bulaga sa loob ng 44 na taon ng show na nagpalipat-lipat na ng mga network. Nagsimula sila sa RPN 9, lumipat sa ABS-CBN 2, at lumipat nga ulit sa GMA 7. Sa loob ng panahong iyon, nawala na ang lahat ng mga TV show na katapat nila pero nanatiling high rating ang Eat Bulaga. Ang mga main host naman ay nanatiling ang TVJ.  Kaya marami nga ang hindi ma-imagine ang sinasabi nilang “rebranding” kung saan magreretiro na raw sa show ang TVJ. Pero hindi mo masabi, dahil baka naman kung mangyari iyan magkaroon ng bagong noontime show na ang tatlo naman ang bida.

Sa ngayon, tila mas naniniwala ang mga tao na hindi muna magkaroon ng biglang pagbabago, maliban na nga lang kung ang mga talent mismo ang umalis sa pagreretiro ng isa sa kanilang mga producer na si Tony Tuviera. Kung hindi, sayang naman ang Eat Bulaga.

Talent manager, dismayado sa talent na retokado ang litrato sa internet

Dismayado ang isang talent manager. May ipinakita kasi sa kanyang picture ng isang male contestant sa isang male personality contest, at doon sa picture ay maaari mo talagang ipanlaban sa hitsura noon.

Kinausap ng talent manager ang talent at nagkasundo silang magkikita para makita ng manager kung ano talaga ang hitsura ng talent. Nang makita sa personal ang talent, nadismaya ang manager dahil mukhang katakut-takot na retoke ang ginawa sa kanyang picture na nasa internet.

Ang inaasahan ng manager ay maipanlalaban man lang kay Marco Gumabao, aba noong makita niya, si Nonong de Andres pala ang dapat katapat.

Show comments