Direk Joel, tanggap na talo sila ng martyr
Tanggap ni direk Joel Lamangan na mas malakas ang Martyr or Murderer kesa sa pelikula nilang Oras de Peligro na sabay ipinalabas nung March 1.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, naka-15M daw sa first day ang Martyr or Murderer.
Pero sabi naman ng ilang reliable source namin, mahigit P8M ang kinita nito nung opening day.
Ang katapat na Oras de Peligro ay halos kalahating milyong piso lang.
Inaasahang bababa pa ito sa pangalawang araw, pero wala pa kaming nakuhang eksaktong figures.
Sana makabawi ngayong weekend.
Nakapanayam namin sa DZRH si direk Joel Lamangan at inaasahan naman daw niyang hindi nila kakayanin ang lakas ng MOM dahil meron silang mahigit 200 theaters, samantalang sa Oras de Peligro ay mahigit 100 theaters lamang. “Isa lang ang nakita ko. Mayroon talagang mas makapangyarihan, hawak ang pera, binibigay ang mga tickets, binibigay sa Chinese Chamber of Commerce.
“May ganun! Hindi naman masama ‘yun. Naghahanap sila ng magandang marketing.”
Okay na rin naman daw ‘yung kinita ng Oras...kung ikumpara sa ibang local films na mahina talaga pagkatapos ng MMFF.
Pero nakiusap pa rin si direk Joel na sana tangkilikin itong Oras de Peligro. “May nakapanood sa amin, pero siguro mas maraming nanood sa kanila.
Expected na natin ‘yun. Pero ang dasal ko lang ay kumita man sana ‘yung aking producer para makapag-produce pa uli ng iba,” sabi pa ni direk Joel.
Pagkatapos ng Oras de Peligro, ninanamnam ngayon nang mabuti ni direk Joel ang pagiging artista. Kasali siya sa Batang Quiapo at less stress daw ito sa kanya dahil artista lang siya rito, hindi ‘yung direktor na dala ang lahat na problema sa set.
“Nag-umpisa naman akong artista. Nag-umpisa ako extra, bit player, nagkontrabida sa mga bida sa pelikula. Kontrabida ako ni Phillip (Salvador). Kontrabida ako ni Lito Lapid. Diyan ako nag-umpisa. Kaya nung sinabihan nga ako ni Coco kung puwede ba ako lumabas, sabi ko sige.
“Na-miss ko ‘yung mini-meyk apan ako. Na-miss ko ‘yun nung ako ay artista. Nag-i-enjoy ako!
“Ang problema lang ng isang artista ay dumating sa set, mag-make up, mag-costume at hintayin ang instruction ng direktor kung ano ang gagawin. ‘Yun lang!” saad ni direk Joel.
Kaya bilib daw siya kay Coco Martin na bukod sa magaling pang umarte, magaling pa raw na direktor.
“Mahusay si Coco. Mas okay ang kanyang camera movements. Mas sensitive siya sa mga nangyayari. Mahusay ang kanyang camera placement,” dagdag niyang pahayag.
Mark, sabik makatrabaho si Lea
In-announce ni Lea Salonga na maging bahagi siya sa Broadway ng Here Lies Love.
Siya ang gaganap bilang Aurora Aquino, ang ina ni Ninoy Aquino.
Binanggit din niyang makakasama niya uli ang mga kilalang theater actors na sina Jose Llana na gaganap bilang Ferdinand Marcos at si Conrad Ricamora ang Ninoy Aquino.
Wala pang na-announce kung sino ang gaganap na Imelda Marcos, dahil tumatalakay itong Here Lies Love sa kuwento ng buhay ni dating First Lady Imelda Marcos.
Napanood namin itong musical play sa London na kung saan bahagi roon si Mark Bautista.
Kaya tinanong namin si Mark kung magiging bahagi ba siya nito.
In fairness naman daw, nag-email sa kanya ang in charge sa casting at pinapa-call back daw siya.
“Pagdasal natin… (smile at praying emoji),” text sa akin ni Mark.
Nakadagdag excitement pa raw sa kanya nang nalaman niyang kasama si Lea Salonga. Kaya sana raw ay makapasok siya.
- Latest