Ate Guy, na-ICU nang mawalan ng oxygen
Kamakailan ay aming naging panauhin sa Fast Talk with Boy Abunda si Nora Aunor. Dito ay naibahagi sa amin ng nag-iisang Superstar ang hindi magandang karanasan kaugnay sa ginawang operasyon sa kanyang lalamunan mahigit isang dekada na ang nakalilipas. “Nilinis daw ‘yung lungs ko dahil sa sigarilyo. Natakot ako, takot na hindi ko maipaliwanag. Sobrang pagsubok na nawalan ako ng boses. Ang tagal na pero hanggang ngayon hindi pa ako nakakanta,” bungad ni Nora.
Muntikan na raw namatay ang Superstar kamakailan lamang dahil bumaba ang oxygen level sa katawan kaya naisugod sa ospital. “Hindi ko alam kung pwede kong sabihin, kasi namatay na ako ng three minutes nitong nakaraan lang. May insidente na sabi ko, ‘Halika na kasi bumababa na ‘yung oxygen ko sa katawan. Takbo na naman sa ospital, pagkatapos sa ospital sabi ko, ‘Oxygen lang po ang kailangan ko.’ Ang nangyari, hindi ko alam, walang tumulong. Hindi minadali na lagyan ako ng oxygen. Humiga ako, hindi ko na alam kung anong nangyari. Paggising ko nando’n na ako sa I.C.U.,” kwento ng aktres.
Ayon kay Ate Guy ay hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan niya ito.
Noong 1982 na ginagawa pa lamang ang pelikulang Himala ay naaksidente ang sasakyang minamaneho ng aktres. “Akala ng mga kasama kong artista namatay na ako. Nag-head-on, ako ‘yung nagda-drive. Nagdasal na sila kasi sabi nila baka patay na ako. Ang nangyari pala, ‘yung salamin sa harapan, natanggal ‘yon sa sasakyan pero buo, hindi nabasag. ‘Yung manibela naman, imbes na tamaan ako sa dibdib, lumihis sa akin. Wala talaga, wala akong naramdamang sakit. Ang naramdaman ko lang ay nauntog ‘yung ulo ko sa may bintana. Dalawang ospital ang pinagdalhan sa akin,” kwento niya.
Ara: ‘laos na ba ako?’
Tatlumpung taon nang aktibo sa show business si Ara Mina. Matatandaang labingtatlong taong gulang pa lamang noon ang aktres nang magsimula sa programang That’s Entertainment.
Malaki ang pasasalamat ni Ara dahil hindi pa rin nawawalan ng proyekto hanggang ngayon. “I’m very thankful. Siguro kailangan you keep grounded pa rin kung ano man ‘yung success na na-achieve mo. Okay pa rin naman ako kung hindi man ako bida lagi kasi that’s your passion eh. Kapag mahal mo ang trabaho mo at kapag napamahal ka sa trabaho mo, hindi ka na ‘yung, ‘Ay! Gusto ko lagi akong bida!’ You need to try all kinds of portrayal mapa-supporting roles, mother roles, malandi, lahat. If you’re an artist hindi ka masyadong nagkaroon ng restrictions. Kumbaga, dapat versatile ka para tumagal ka sa industriya. And siyempre dapat mahalin mo ‘yung craft mo, mahalin mo ‘yung mga sumusuporta sa iyo,” paglalahad ni Ara.
Hindi raw kailan man naramdaman ng aktres na nalaos siya sa loob ng tatlong dekada. “Hindi ko kasi nilagay sa utak ko na sikat na sikat ako. Kasi ‘pag nilagay mo sa utak mo na sikat ka ‘pag nawalan ka ng project do’n, maiisip na, ‘Ay! Laos na ako.’ I’ll be honest, may mga nakausap akong artist before and tinatanong nila ako kasi nga wala silang project. Parang they ask me, ‘Laos na ba ko?’ as in talagang gano’n ‘yung tanong nila sa akin. Sabi ko, ‘Huwag mong isipin ‘yan.’ So ako ‘pag wala akong project nagbi-business ako. Kasi nga I’m a very workaholic person. Para hindi ko maisip na, ‘Ba’t wala akong project? Laos na ba ko?’ Hindi mo maiisip kasi ‘pag wala kang work, sangkatutak din ‘yung ginagawa ko for my business. Nag-iisip ako kung ano bang pwedeng gawin para ‘pag wala kang work, meron akong ibang ginagawa at meron akong fallback someday,” paliwanag niya.
Masaya rin si Ara sa kanyang personal na buhay. Matatandaang nagpakasal sina Ara at Dave Almarinez noong 2021. “Thankful ako kasi si Dave super supportive sa career ko. Alam niyang passion ko ‘to. I’m trying my best na magampanan ko pa rin ‘yung obligation ko as a wife, as mom and enterpreneur kahit nagtatrabaho ako. I am really trying my best na ma-manage ko ‘yung time,” pagbabahagi ng aktres.
(Reports from JCC)
- Latest