Minsan nang naranasan ni Sharon Cuneta na hindi pansinin ng ilang mga kasamahang artista. Nangyari umano ang insidente sa mismong bakuran pa ng ABS-CBN noon. “Nakakalungkot minsan nasasalubong namin sa corridor kunwari, pagdaan feeling ko, daig pa ‘yung mga Lopez. Si Don Geny (Eugenio Lopez, Jr.) nga bumabati kahit sa mga janitor. ‘Yung mga bata ngayon makasalubong lang nang face-to-face parang dinaanan nila parang poste lang. Hindi naman ako nag-e-expect ng anything, just a little (nod), kahit walang hello, ‘yung smile na ‘Hi!’ Parang minsan tuloy, ‘Pader ba ko?’ Pumayat na ako ‘di ba? Kasi kami nga hindi gano’n,” nakangiting pahayag ni Sharon.
Dahil sa naranasan ay mayroong mensahe ang nag-iisang Megastar para sa lahat ng kasamahang artista sa industriya. Para kay Sharon ay mas mabuting maging magalang lalo na kung nagsisimula pa lamang. “Kaming mga nag-umpisa noong araw pa, kapag talagang merong senior sa aming artista, kahit hindi kami kilala, lalapitan namin. ‘Magandang hapon po. Ako po si Sharon, bago po akong singer.’ Kasi nai-startruck ka rin pero paggalang ‘yon. Default setting ko talaga, Miss Congeniality ako eh. Ang dali-daling maging masaya. Ang dali-daling maging mabait kaysa sa maging masama ang ugali,” makahulugang paglalahad ng aktres.
Liza, pinanghinayangan
Malaki ang panghihinayang ni Ogie Diaz para sa career ni Liza Soberano. Matatandaang si Ogie ang naging talent manager ng aktres sa loob ng 11 taon. Nagpasyang lumipat si Liza ng talent management noong isang taon. Si James Reid na ang nangangalaga sa career ni Liza ngayon. “Nanghihinayang ako sa career ni Liza. Wa echos kasi nando’n na siya eh. Nahe-hurt ako bilang former manager na nakakabasa ako na, ‘Ano na ginagawa ni Liza sa sarili niya? Bakit nag-iiba na siya ng direksyon?’ Nanghihinayang ako kasi pinaghirapan naming lahat ito kung saan siya nandoon,” pagtatapat ni Ogie.
Kamakailan ay ikinagulat ng netizens ang pagkawala ng mga post ni Liza sa sariling Instagram account. Marami ang nag-akalang na-hack umano ang IG ng dalaga. Noong Miyerkules ay muling nag-post si Liza na talaga namang ikinagulat ng mga tagahanga. Para kay Ogie ay hindi na dapat tinanggal ng dating alaga ang mga dati nitong post sa Instagram. “Kusa ‘yung ginawa ni Liza. ‘Di ko alam kung ano ang personal na rason ni Liza. Pero ang nababasa ko ay may bagong simula atang magaganap. Sa akin lang, feeling ko dapat hindi niya na tinanggal ‘yon. Kasi memories ‘yan eh, history mo ‘yon. ‘Yon ang dati mong mukha. ‘Yan ang dating ikaw. Ngayon, kung ito na ‘yung totoong ikaw, eh di that’s another chapter in your life, in your career,” giit ng dating talent manager ni Liza. Reports from JCC